KAPAG ipinasa ang Sin Tax bill, dalawang mahalagang bagay ang matatamo ng mamamayan at bansa. Una, kikita ang gobyerno dahil sa 10 percent na buwis na ipapataw sa sigarilyo at alak at ikalawa, mababawasan na ang mga magkakasakit dahil sa sigarilyo at alak. Aywan nga lamang kung bakit bantulot ang mga senador na ipasa ang panukalang batas na ito. Ano pa ba ang kanilang hinihintay at hindi pa ipasa ang Sin Tax bill na matagal na rin namang nakabinbin sa kanilang mga kamay. Si Senate President Juan Ponce Enrile ay lantaran ang pagtutol sa Sin Tax bill. Isa kaya itong dahilan kaya hanggang ngayon ay hindi maging ganap na batas ang Sin Tax bill?
Kapag nadagdagan ang buwis mula sa sigarilyo at alak, dito kukunin ang mga gastusin para sa mga nagkakasakit. Ang pamahalaan ang bumabalikat sa pagpapaospital ng mga nagkakasakit dahil sa walang katuturang bisyong sigarilyo at alak. Ang cancer sa baga ang nangungunang sakit na pumapatay sa mga Pilipino. Sa paninigarilyo nakukuha ang cancer sa baga. Ang matindi, pati ang mga nakakalanghap ng second-hand smoke ay nagkakasakit din. Marami nang nagkasakit dahil nalanghap nila ang ibinugang usok ng smoker.
Kapag nagmahal ang sigarilyo, mababawasan ang bibili nito at mababawasan na ang mga magkakasakit. Mababawasan na rin ang problema ng gobyerno. Ayon sa Department of Health (DOH), ang 10 percent na itataas sa tax ng sigarilyo ay makakabawas ng dalawang milyong smokers pagdating ng 2016.
Suportado ng mamamayan ang Sin Tax bill. Ang mga taga-Western Visayas ay nananawagan sa mga senador na ipasa na ang panukalang batas. Ang Sin Tax bill ay tinatawag nilang “anti-cancer tax”. Naglunsad ang DOH ng “one million signature campaign” sa Iloilo City para ipasa na ng mga senador ang panukalang batas.
Sinasabi ng mga tutol sa Sin Tax bill na papatayin daw nito ang kabuhayan ng mga tobacco farmer. Mawawalan daw ng pagkakakitaan ang mga ito at tiyak na magugutom ang mga pamilya. Alin kaya ang mahalaga, magkasakit ang marami at magkagastos ang gobyerno dahil sa bisyong sigarilyo o mawalan ng pagkakitaan ang iilan lang? Isipin sana ito ng mga tutol sa Sin Tax bill.