SIYAM na buwan na lang at midterm election na kaya marami nang “maeepal” na pulitiko ang nagpaparamdam. Katunayan, nagkalat na ang mga posters ng “maeepal” na may kung anu-anong nakasulat. Merong bumabati ng “Happy Fiesta” at “Happy Graduation” at meron ding naglalagay ng posters nila sa mga poste kung saan ay may ginagawang proyekto ang Department of Public Works and Highways (DPWH). Aakalain tuloy, sa bulsa nila galing ang pinagpagawa ng kalsada o tulay.
Bukod sa streamers, posters, banners na naka-sabit, kapuna-puna rin ang pagyayaot ng mga sasakyan na may pangalan ng “maeepal” na pulitiko. Mayroong ambulansiya na mas malaki pa ang pa-ngalan ng pulitiko kaysa sa salitang AMBULANCE. Nagkalat ngayon ang mga yellow multicab na nakasulat ang pangalan ng mga kongresista at maski ang barangay chairman. Para bang sarili nila ang multicab gayung iyon ay pag-aari ng taumbayan. Buwis na galing sa taumbayan ang pinambili ng sasakyan na kanilang inaangkin.
Matindi rin naman ang ilang pulitiko na inilalagay ang kanilang inisyal sa ipinagawang proyekto. Sa Makati unang nauso ang ganito. Nakaukit ang inisyal na JB sa mga proyekto. Mula 1987 may JB na at hanggang ngayon makikita pa rin ang inisyal na ito. Walang makapagsasabi kung hanggang kailan ang JB sa Makati.
Ginaya ito ng ilang pulitiko. Mabuti at si Quezon City Mayor Herbert Bautista ay mabilis masaling sa mga batikos kaya agad niyang ipinatanggal ang mga inisyal niya. Nanawagan pa si Bautista sa mga katulad niyang pulitiko na baklasin ang billboards, streamers, posters, banners na nakasabit o nakadikit sa mga poste. Nararapat gayahin ang ginawa ni Bautista hindi lamang ng mga pulitiko sa QC kundi sa iba pang bayan at lungsod.
Maski si President Aquino ay “anti-epal”. Ayaw niyang ilalagay ang kanyang pangalan at retrato sa billboard at streamers. Noong nakaraang linggo, inatasan niya na baklasin ang billboard na kinaroroonan ng kanyang larawan na inilagay ng dalawang opisyal ng pamahalaan.
Hindi kailangang “magpa-epal”. Huhusgahan ang pulitiko sa kanyang mga nagawa sa bayan. Matatalino na ang mga botante ngayon kaya kuwidaw na ang “maeepal”.