KAHIT ang Commission on Elections (Comelec) ay naniniwalang libre na ang mga politiko para mangampanya nang hindi makakasuhan ng electioneering.
Sabagay matagal na nating nakikita ang mga tarpaulin posters ng mga politiko na ikinakabit ang kanilang mga malalaking retrato maging sa pagbati nila ng “happy fiesta” o ano mang okasyon. Wika nga “disimuladong halata.” Ha? Meron bang ganun? Meron nga eh! Masyadong obyus pero hindi mapigil ang mga naglipanang posters kahit wala pang eleksyon. Wala naman kasing sinasabing “Iboto ako.”
Tuwing eleksyon naman ay nangyayari ito. Sinasadya ng mga kandidato na huwag munang mag-file ng kanilang certificate of candidacy nang sa gayon ay hindi sila makasuhan ng electioneering kahit lumantad sila sa mga panayam sa telebisyon at radyo o ipaskel sa mga pader ang kanilang larawan.
Sabi nga ni Comelec Commissioner Rene Sarmiento, tayo ngayon ay nasa “open season for premature campaigning.” Aniya dapat itong ma-regulate. Pero papaano? Anong batas ang gagamitin?
Mainam sana itong Anti-Epal Bill na isinusulong ni Sen. Miriam Santiago na nagbabawal sa sinumang opisyal o politiko na ipaskel ang kanilang mga larawan at pangalan sa mga proyektong ginagawa ng pamahalaan.
Hindi lang diyan dapat ibawal ang pagpapaskel ng larawan kundi pati sa mga posters na bumabati lamang ng “happy fiesta” o “Merry Christmas” at iba pang okasyon na sinasakyan ng mga ma-epal na politiko.
Diyan na naman pumapasok ang disparity ng mga mayayaman at dahop na kandidato. Kasi mas lamang ka kung may pera kang pambili ng mga ikakalat na tarpaulins samantalang talo ka kahit karapatdapat kang kandidato kung hindi mo kayang tapatan ang kanilang ginagastos.
Isa pa, nakababahala na baka mapabayaan ng mga halal na opisyal ang mga trabahong dapat tutukan kung magpapakaabala sa maagang pangangampanya.