All in
ANG bagong mukha ng Daang Matuwid ay walang iba kung hindi si DILG Undersecretary Rico Puno. Ito ang implikasyon ng agarang pagdepensa ni P-Noy kay Puno sa kabila ng kaliwat kanang batikos sa kanyang hinihinalaang pagkasangkot sa iniimbestigahang PNP gun deal.
Tiwala ang tao kay P-Noy dahil sa kanyang malinis na public image at dahil sa magandang pangalang ipinamana ng kanyang magulang. Kaya tiwala rin dapat tayo sa kanyang mga desisyon at, by extension, sa desisyon ng kanyang mga tinyente. Ito yata ang isinusugal ng Presidente nang pinaalala niya sa lahat na buo pa rin ang kanyang tiwala at kumpiyansa kay Puno. May lugar daw ito sa kanyang daang matuwid na administrasyon kung saan man nito naisin.
Sa mata ng publiko ay malinaw na tinimbang na si Puno at ito’y nagkulang. Hindi lamang ang posibilidad ng anomalya ang iniinda ng taumbayan. Higit dito, ang posibilidad na nasalaula ang personal at pribadong gamit ni Secretary Robredo para lamang mahanap ang sinasabing “importanteng dokumento” na lumalabas palang imbestigasyon sa pagkasangkot ni Puno sa gun deal. Sa isang gawi ay kahanga-hanga ang pagsaklolo ng Presidente sa kanyang matalik na kaibigan at kabarilan. Sa resbak ni P-Noy ay pinangatawanan niya ang presumption of innocence na karapatan dapat ng bawat mamamayan.
Sa lahat ng ito ay wala pa tayong narinig na paliwanag ni Puno. Ang dapat sana, kung mapatunayan ngang isinailalim siya ni Robredo sa imbestigasyon, ay ipatuloy ang imbestigasyon ng mismong DILG Sec. Mar Roxas. Subalit hindi yata ito gagawin ni Sec. Mar. Kaya maganda na ang dalawang kamara ng Kongreso ang gagawa. Sa pamamagitan ng mga public hearing ay malalaman na rin ang panig ni Puno at makagagawa na ang publiko ng mas kritikal at impormadong pasiya. Hindi lang reputasyon ni Puno ang nakataya rito – sa agarang pagwalang sala ni P-Noy kay Puno ay maging sarili niyang pangalan ay isinapalaran. Sa larong poker, ang tawag sa ganitong pagsugal ng lahat ng puhunan ay ALL IN.
Sa imbestigasyon ng Senado at Kongreso ay mapupurbahan kung ang tiwala ng Presidente kay Puno ay nararapat o kung ang ipinuhunang sentrong programa ng kanyang administrasyon – ang daang matuwid – ay nalustay sa ngalan ng pagkakaibigan.
- Latest
- Trending