TUMATANGIS ang local manufacturers ng bakal sa Mandaue, Cebu kay Finance Sec. Cesar Purisima dahil sa imported “finished metal products” na mas mababa pa kaysa sa scrap metal. Ayon sa reklamo sa akin, labis na ang paghihirap ng kompanya sa ilalim ng Philippine Iron and steel Institute and Galvanized Iron Wire Manufactu-ring Association ng naturang lalawigan, dahil hindi nila kayang sabayan ang presyong ipinaiiral ng mga imported na bakal. Ang masakit mukhang ang tinutukoy ng kanilang reklamo ay ang sabwatan ng mga tiwaling opisyales ng Customs at big time smuggler. Kung patuloy itong mamamayani sa Cebu, maraming magsasarang kompanya at marami ang mawawalan ng trabaho.
Ang modus umano ng sindikato ay nirorolyo sa smaller sized steel wire rods para lumabas na reinforcing steel bars at ibinebenta sa hardware stores para sa mga maliliit na construction pro-jects. Natural na maliit lamang ang babayaran nitong buwis. Maliwanag pa sa sikat ng araw na may sabwatan nga sa Customs. Kasi nga kung seryoso si Biazon na sawatain ang sabwatan sa Customs, pairalin lamang niya ang valuation procedure at maaabot niya ang umiiral na technical smuggling. Una rito, mag-cross reference sa metal bulletin weekly sa Steel Business Briefing of London o MySteel ng China kung saan nakatala ang mga presyo ng bakal. Malaki ang tiwala ko kay Biazon na maaaksyunan niya ang reklamo ng mga taga-Mandaue. Para kay Purisima, kung nais mong maging malinis ang Customs at makakolekta ng tamang buwis, ipa-life style check mo si Glenda na nasa opisina umano ni Biazon. Super galante umano ito sa pamumudmod ng datung sa mga taga-media. Abangan!