LAMAN ng balita ang tangkang pagpasok umano ng ilang mga pulis na kasama ni DILG Usec. Rico Puno sa condo unit ni Sec. Jesse Robredo, isang araw matapos bumagsak ang sinakyang eroplano sa Masbate. Ayon sa kuwento, may mga tao umano na gustong pumasok sa condo, pero hindi pinahintulutan. Kinumpirma ni Atty. Leni Robredo, asawa ni Secretary Robredo, na tumawag nga ang kanilang kasambahay at sinabing may mga gustong pumasok sa condo. Hiningi ang tulong ni DOJ Sec. Leila de Lima para mabantayan ang mga dokumento ni Robredo. Ayon naman sa panig ng mga nagtungo sa condo ni Robredo, utos ni President Aquino na bantayan ang unit. Naalala ko noong mamatay si dating Press Sec. Cerge Remonde, may mga nagtungo rin sa kanyang bahay para kunin ang lahat ng dokumentong hawak niya. Nang panahong iyon, wala nang lumabas sa media ukol doon. Noon iyon. Iba na ngayon, di ba?
Kinumpirma naman ng Palasyo na may mga sensitibong imbestigasyon na ginagawa si Sec. Robredo nang siya’y pumanaw. Pero hindi na muna detalyadong pinaliwanag ng Palasyo ang mga ito dahil na rin sa uri ng impormasyon. Kaya nagbabaga ang usapin sa lahat ng sektor, kung ano ang tunay na dahilan sa pagpunta ng mga pulis at ni Puno sa condo ni Robredo.
Wala na siguro tayong magagawa kundi hintayin kung ano ang magiging bunga ng mga imbestigasyong iyan ni Robredo. Kung matutuloy, kung uusad at kung ano pa. O baka wala na? Ang Palasyo na lang ang makakapagbigay liwanag sa isyung ito. Pero hindi talaga mawala ang ispekulasyon mula sa taumbayan. Natatawa nga ako sa mga komentaryo sa internet, na tila napakalikot ng mga pag-iisip. Medyo masama na nga at hindi dapat pinag-uusapan. Pero wala rin tayong magagawa diyan at internet iyan. Kaya relaks na muna tayo, at inaasahan ko, lahat ay lalabas din sa tamang panahon!