BAGO magwaldas ng bilyun-bilyon piso sa mega-dikes at iba pang flood controls, balik-aralan sana ng gobyerno ang mga batas kontra pagbaha:
(1) Presidential Decree 296: Inisyu ni President Marcos nu’ng 1973, tinukoy ang baha sa pagbunsod ng hirap, gutom, at wasak ng pananim. Kaya inutos sa mga indibidwal at kumpanya na lumayas sa mga tabing ilog, sapa o kanal na tinayuan nila ng bahay o pabrika. Parusa: multa na P5,000-P10,000 at/o kulong ng dalawa hanggang sampung taon.
(2) Urban Development and Housing Act of 1992: Sinusugan ng Lina Law (R.A. 7279) ang karapatan ng estado na bawiin ang lupa mula sa professional squatters. Kung maralita, kailangan bigyan ng relocation. Inatasan ang gobyerno na planuhin ang urbanization.
(3) Revised Forestry Act of 1975 (P.D. 705): Hindi lang ibinawal ang pagkalbo ng bundok, kundi inutos din ang malawakang pagtatanim ng puno. Off-limits ang gubat sa minahan, pabrika, o komersiyo at pabahay. Hindi maa-ring tituluhan ang lupang sobra sa 18 percent (12 degrees) ang slope. Nagtalaga ng 20 metrong setback mula sa tubig-ilog at dagat.
(4) Water Code (P.D. 1067): Binago at pinag-isa ang lahat ng batas tungkol sa tubig. Ibinawal ang basta pag-pump ng tubig sa deep wells. Ito kasi ang nagpapababa ng lupa kaya tumataas ang baha. Multa: P3,000 at tatlong taong kulong sa mga nagbabara at nagdudumi sa ilog o lawa.
(5) Water Well, Rainwater Collector, and Spring Development Act of 2010. Inatasan ng R.A. 6716 lahat ng 42,000 barangay sa bansa na ayusin lahat ng balon, linisin ang mga batis, at humukay ng rainwater catchments sa pinaka-mababang lugar ng barangay. Sa catchments dadaloy at maiipon ang tubig-ulan, para walang pagbaha. Para walang dengue mosquito, gawin itong Barangay Isdaan at Gulayan (BIG).
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com