Maging matalas kaysa kriminal
TUMAAS nang 57% ang mga ulat ng krimen sa Metro Manila. “Tumalas ang mga kriminal sa pag-iisip ng modus operandi,” anang PNP. Sana hindi ibig sabihin ay pumurol ang pulisya sa pagpapanatili ng kaayusan.
Ilan sa pinaka-malimit na krimen:
(1) Salisi, sa mga hotel, restaurant, at puntahan ng turista: Naka-pustura ang gang, may attaché case at alahas pang props. Kapag nalingat ang biktima sa pakikipag-usap o -text, biglang sisikwatin ang bag o laptop, at ipapasa sa kasabwat.
(2) Tutok-kalawit, sa mall, bangketa, labas ng school: Kunwari’y matalik na kaibigan, aakapin ng gang man ang biktima. Sabay tutok ng patalim sa tagiliran, at hihingin ang pera, alahas, o cell phone. O kaya aakusahan ng pagnanakaw ang biktima, na siyempre ay tatanggi. Pagdukot niya ng ID, na katunayan ng pagkatao, aagawin ang wallet.
(3) Ativan Gang: Kadalasa’y turistang dayuhan ang biktima. Kakaibiganin ng gang hanggang mahulog ang loob. Ipapasyal sa tourist spots. Yayayain sa motel, at paiinumin ng juice o beer na may Ativan, na matinding pampaantok. Pagkatulog ng biktima, kukunin lahat ng dala.
(4) Ipit Gang, sa bus, tren, siksikang lugar: Lilituhin ng gang man ang biktima, habang dinudukutan siya ng kasabwat ng pitaka, atbp.
(5) Budol-budol, malls, airports, restaurants: Magpapakita ang gang man ng makapal na cash, pero ibabaw at ilalim lang ang totoong pera, at pinutol na diyaryo ang palaman. Magkukunwaring nangangailangan ng cell phone o laptop para makakontak, o dollars para maipabaon, sa paalis na kamag-anak. Ipapalit ang “pera” para sa hinihiram na device.
(6) Laslas bag/bulsa, kahit saan: Lalaslasin ng blade ang bag o bulsa ng nalingat ng biktima, para sikwatin ang pitaka.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending