May langit ba?
Ano ba ang langit? Nasaan ba ito?
ito ba’y ang asul na tanaw ng tao?
May mga nagsabing langit ay narito
narito sa lupa – nasa ating puso!
Kung ang dalwang tao ay nagmamahalan
dahil sa matapat sila sa sumpaan -
Langit ng lalaki’y kanyang natagpuan
sa puso ng mutyang naging kapalaran!
Sa mga bukiring sagana ang ani
naroon ang langit ng dukhang marami;
Sa mga natipong bunton ng dayami –
sa tulo ng pawis sila ay bayani!
May nagsabi namang nasa karagatan
ang langit ng mga sa dagat matapang
Hindi nagugutom, sagana sa ulam
habang nangingisda’y may sariling yaman!
Buong kalawaka’y langit ng scientists
at ito’y kanilang hinangad masapit;
Buwan at bituin ay sinasaliksik –
pero bigo pa ring langit ay masapit!
Matanda at bata kung tumitingala
ang nakitang asul langit ang akala;
Ang tunay na langit lubhang malayo pa’t
kalawakan pa lang kanilang nakita!
Dahil sa ang langit ay napakalayo
mga kaluluwa ng patay na tao –
Kalawakan pa lang nasasapit nito’t
nagiging bituing maningning-malabo!
Ang lindol, ang bagyo, ang ulan at baha,
ang bundok, halaman, ang hayop at isda;
Inang Kalikasan ang pinamahala
upang mabantayan lahat ng nilikha!
Itong kalawakan ay langit-langitan
ang tunay na langit mataas sa riyan;
Sa tunay na langit ay naninirahan –
ating Amang Diyos – makapangyarihan!
Ang araw, ang buwan at mga planeta
alaga ng Ama upang di magbangga;
Ang lahat ng ito kapag napinsala –
tanging Diyos na lang ang di-mawawala!
- Latest
- Trending