ISANG suspect sa panghoholdap ang napatay sa loob mismo ng Manila Police District-Station 1 sa Tondo, Manila noong Miyerkules ng hapon. Lumalabas na kampante si PO3 Marianito Navida sa kanyang baril habang ini-interrogate ang suspect na si Michael Dadula sa investigation room.
Nang magkaroon ng pagkakataon si Dadula, bigla nitong hinablot ang baril ni Navida at tinutukan ang pulis. Mabuti at nagrirekurida si Supt. Alexander Navarette, hepe ng Station 1 ng mga oras na iyon at nakita niya ang pangyayari kaya mabilis nitong binaril si Dadula.
Isa pa ring suspect sa panghoholdap sa taxi na ikinamatay ng isang security guard ang napatay sa Road 10 corner Moriones, Tondo noong Agosto 27. Ang napatay na suspect ay si Roel Comedia.
Nakaposas umano si Comedia pero nagawa nitong makalas iyon at hinablot ang baril sa baywang ni PO1 James Paul Cruz. Nagpambuno ang suspect at PO1 Cruz. Biglang pumutok ang baril at nang mahawi ang usok, duguan na si Comedia at may tama sa ulo. Itinakbo pa umano sa Gat Andres Memorial Medical Center ang suspect pero hindi na umabot ng buhay. Itong si Comedia ay inaresto ng mga pulis dahil sa pagpatay sa sekyu na si Nemesio Garsola.
Suhestiyon ko lang sa hepe ng PNP, nylon cord na lang ang ipanggapos sa mga inaarestong suspect para hindi makalas. Maraming beses nang nangyayari na nakakalas ang posas at nakapang-aagaw ng baril.
Ewan ko lang mababago ng bagong hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Supt. Leonardo “Dindo” Espina ang sistema sa limang police district sa Metro Manila kaugnay sa pagtrato sa mga suspected criminal. Abangan!