Kasal sa isang bakla (Unang bahagi)
NAKILALA ni Dina si Gardo noong 1981 habang pareho pa silang estudyante sa medisina. Ang unang impresyon ni Dina kay Gardo ay maalalahanin ito at madaling makasundo ng ibang tao. Naging magsiyota sila matapos ang pag-aaral. Naging anesthesiologist si Gardo at pediatrician naman si Dina.
Noon ay alam ni Gardo na marami na sa kanyang mga kakilala at kaibigan ang nagdududa sa tunay niyang kasarian. Kahit si Dina ay nakakarinig ng tsismis at ikinukuwento niya ito kay Gardo. Todo tanggi naman ang lalaki at naghamon pa na kakasuhan niya ang mga naninira at nagkakalat ng tsismis tungkol sa kanya. Pero bukod sa pagtanggi ay wala siyang ginawa para patunayan na mali ang sinasabi ng mga tsismoso’t tsismosa. Ang sabi lang niya kay Dina ay mas marami pa siyang importanteng gagawin kaysa mag-aksaya ng oras at pera sa pagsasampa ng kaso. Hindi raw siya magpapaapekto sa sinasabi ng iba. Mas pinili ni Dina na maniwala sa salita ni Gardo kaya noong 1989 ay nagpakasal siya sa lalaki.
Nagkaroon sila ng tatlong anak. Pero ang ipinakikita ni Gardo sa ibang tao na perpektong asawa at ama ay pakitang tao lang. Sa loob kasi ng kanilang bahay at sa pribadong buhay nila, napagmasdan ni Dina na istrikto at napakahigpit ng asawa. Mas alam pa ng lalaki kung ano ang dapat niyang isuot na damit at alahas. Masyado rin itong metikuloso pati sa kaliit-liitang detalye sa bahay tulad ng kung paano dapat itupi ang mga kubre-kama. Ang wala sa lugar na paraan niyang pagdidisiplina sa mga anak ang madalas nilang pagsimulan ng away. Napansin din ni Dina na sobrang malapit si Gardo sa mga barkadang lalaki. Minsan, nahuli pa niya itong nakikipaglandian sa telepono kausap ang isang lalaki at sinasabi kung gaano niya kagusto ang kausap. Marami ring bastos at mahahalay na gamit na nakuha sa gamit ng kanyang mister. Hanggang nahuli niya ang asawa na nakipaghalikan sa isang lalaki. Nang kumprontahin niya si Gardo, tigas pa rin ito sa pagtanggi kaya ang ginawa ni Dina ay nag alsa-balutan kasama ang tatlong anak. Tumigil na si Gardo sa pagbibigay ng sustento sa kanyang mga anak.
Pagkatapos ng 11 taon nilang pagsasama bilang mag-asawa ay nagsampa ng kaso si Dina para ideklarang walang-bisa ang kanilang kasal dahil “psychologically incapacitated” si Gardo. Wala raw kakayahan ang kanyang mister na gampanan ang mga tungkulin bilang isang asawa at ama. Isiniwalat niya sa korte ang nangyari sa 11 taon nilang pagsasama. Isang clinical psychologist din ang tumestigo na nakapanayam niya isang beses si Gardo at sinabi ng doktor na base sa kanyang pag-aaral, si Gardo nga ay “psychologically incapacitated” at bago pa man siya ikinasal ay taglay na niya ito at hindi na magagamot.
Walang psychologist na tinawag si Gardo para kontrahin ang sinabi ng testigo ni Dina. Imbes ay silang dalawa lang ng kanyang kapatid ang tumestigo para itanggi ang kuwento ni Dina at maglahad ng sarili nilang bersyon ng istorya. (Itutuloy)
- Latest
- Trending