^

PSN Opinyon

'Nalantang gulay'

- Tony Calvento - The Philippine Star

ANG MGA GULAY na binabanggit sa ‘folkloric’ na kantang ‘bahay kubo’ ay hindi na pala sariwa kundi inu-uod na.

“Ma… maging matatag ka. Wala lang talaga akong pera. Uuwi din ako, babalik ako pero sa ngayon ikaw muna ang magtrabaho,” wika ni Joey.

Sa pangakong ito naputol ang usapan ni Joselito “Joey” Munsod, isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Bahrain at kinakasamang si Barbara Cecil San Jose o “Cecil”.

Una nang itinampok sa aming pitak sa CALVENTO FILES ng Pang Masa (PM) ang sinapit ni Joey sa Bahrain bilang ‘crew’ sa isang restaurant. Pinamagatan namin ang artikulong ito na ‘Veggie bag’.

Ika-17 ng Agosto 2012 nang lumapit sa aming tanggapan si Cecil, kinakasama ni Joey. Parehong hiwalay sa unang asawa sina Joey at Cecil. Nagkaroon sila ng dalawang anak dahilan para magtrabaho ito sa ibang bansa.

Buwan ng Pebrero 2009, bigla na lang tumawag sa cell phone niya ang mister at sinabing “Nasa airport na ako papuntang Jeddah Ma…”

Nagtrabaho si Joey bilang ‘supervisor’ sa isang restaurant dun. Nakapagpadala siya ng halagang Php15,000 kada buwan subalit kinalaunan bigla na lang naputol ang kanilang komunikasyon.

Tumawag na lang si Joey kay Cecil at sinabing mula Jeddah napadpad siya sa Al Khobar sa isang bakeshop at ngayon naman nasa Bahrain na.

“Inabot daw siya ng malas sa middle east. Natangay ng taxi driver ang gamit niya at ngayon sinibak siya sa trabaho dahil nahulihan siya ng mga gulay sa loob kanyang bag,” kwento ni Cecil.

 Mistulang bahay kubo ang bag ni Joey. Giit niya na-frame up daw siya ng ibang lahi. Hulyo 2012 ng huling nag-text si Joey ng “Stop working na ko…”

Tinawagan ni Cecil si Joey mas nag-aalala siya ng sabihin nitong isa ng siyang TNT (Tago Nang Tago) sa Bahrain. Ito na ang naging huli nilang pag-uusap.

 Itinampok namin sa “CALVENTO FILES” sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882 KHZ (tuwing 3:00-4:00) ang kwento ni Cecil.

Bilang aksyon, kinapanayam namin sa radyo si Usec. Rafael Seguis nang Department of Foreign Affairs para alamin ang kundisyon ni Joey sa Bahrain.

Hiniling ni Usec. Seguis na ibigay lahat ang impormasyon tungkol kay Joey at agad niya itong ipapa-check kay Amb. Corazon Yap-Bahjin, Ambassador ng Bahrain para malaman nila kung nasaan na ngayon si Joey.

Matapos naming mag-email kay Usec. Seguis nakatanggap kami ng reply galing mismo kay Amb. Bahjin. Nakasaad dito ang mga impormasyon tungkol kay Joey.

Base sa report, nagtrabaho si Joey bilang ‘Commissary Supervisor’ o (tagapamahala ng isang grocery) sa Jasmi’s Commissary sa Salemabad Area.

May nilabag itong si Joey sa Jasmi’s’ Code of Discipline dahilan para siya’y matanggal sa puwesto at trabaho.

Pinatotoo ito ng Manager ng Jasmi’s, na siyang nakakita sa bag ni Joey na punong-puno ito ng mga gulay. Tinanong niya ito at namutla na lang si Joey, kinabahan at sinabing na-frame up siya.

Inimbestigahan nila ito at nalamang si Joey lang ang naiiwan sa loob ng commissary kada ‘lunch break’. Kapansin-pansin din daw na ang manipis na bag ni Joey biglang lumolobo kapag palabas na ng Jasmi’s.

Ang lahat ng akusasyon ito’y naging dahilan para babaan ng Memo si Joey sa paglabag sa kanilang Code of Discipline.

Tinanggap ni Joey ang pagpapatalsik sa kanya ng kumpanya. Pumirma na rin siya sa ‘quit claim and release’.

Pinarating namin kay Cecil ang impormasyong ito. Bumalik siya sa aming tanggapan upang alamin kung ano na ang nangyari sa tulong na hinihingi niya.

Mapait man sabihin ang katotohanan ngunit may karapatan siyang malaman kaya’t diniretso siya ng aming ‘senior staff’ na si Monique Cristobal at ipinagtapat sa kanya ang lahat.

Nakalagay sa report na ika-11 ng Hunyo 2012 pa umalis ng Bahrain si Joey. Nang siyasatin namin ang kopya ng Air ticket ni Joey galing sa Alfanar Travel, Emirates Airline detalyadong nakalagay na umalis ng Bahrain International Airport si Joey June 11, 2012, Lunes at dumating sa Dubai International Airport-Terminal 3.

Mula Dubai araw ng Martes, June 12 lumapag ang eroplano sa Ninoy Aquino International Airlines T1 (Manila).

Ayun naman! Hunyo pa pala nakauwi ng Pilipinas itong si Joey at hanggang sa kasalukuyan hindi na siya nagparamdam pa kay Cecil.

Nagulat si Cecil kung bakit ni hindi man lang siya tinawagan at inuwian ni Joey. Diresto naming tinanong si Cecil na baka may iba ng inuwian si Joey at isang lang ang naisagot nito, “Ewan ko po hindi ko alam…”

Muli naming tinampok sa aming programa sa radyo ang update sa kaso ni Cecil. Binigay namin ang pagkakataon kay Cecil na manawagan sa asawa sakaling napapakinggan niya si Cecil.

“Joey… magparamdam ka naman. Umuwi ka na pala hindi mo man lang sinabi! Magpakita ka naman sa bahay,” wika ni Cecil.

Sinubukan naming i-dial ang huling ginamit na mga cell phone numbers ni Joey subalit lahat ito nakapatay na.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, masaya kami dahil sa tulong ni Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Amb. Bahjin nalaman ni Cecil ang tunay na sitwasyon ni Joey. Masakit nga lang tanggapin ang katotohanan na ang umano’y ‘tago nang tago’ (TNT) na mister sa Bahrain, aba! Siya na pala ang tinataguan.

Hindi malinaw para kay Cecil kung bakit hanggang ngayon hindi pa rin siya pinupuntahan nitong si Joey, ang maliwanag dito mukhang ayaw lang talaga siyang uwian nito. Hindi rin imposibleng baka bumalik na si Joey sa asawa’t pamilya o maari rin may bago na siyang inuuwian? Ito ang ‘di matiyak ni Cecil.

Sa ngayon walang magagawa si Cecil kundi makibalita sa mga kaanak ni Joey kung nasaan na ito pero para hintayin pa niya si Joey? Siguro mainam na hayaan na lang niya ito, subukang mag hanap-buhay gaya na rin ng sinabi nito sa kanya, “Ikaw muna magtrabaho…”

Mahirap para kay Cecil na tanggapin ang katotohanang di na siya uuwian ng kanyang mahal sa buhay subalit maganda rin na malaman mo ang katotohanan para mapaghandaan mo ang bukas at maka-diskarte ka kung ano ang dapat mong gawin.

Para naman sa’yo Joey, maaring basta na lamang mong ibasura ang lahat ng pinagsamahan ninyong si Cecil dahil hindi man kayo kasal, tandaan mo ikaw ay may pananagutan sa batas pagdating sa responsibilidad ng kinabukasan ng dalawang ‘tsikiting’ na iyong iniwanan. Violation of RA 9262 yan, sa ilalim na ‘economic abuse’ ang kakaharapin mo! (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Ang aming numero 09213263166(Aicel) / 09198972854(Monique) /09213784392(Pauline). Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Pumunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Lunes-Biyernes.

BAHRAIN

CECIL

JOEY

KAY

LANG

LSQUO

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with