Panganib sa bagong Cagayan de Oro airport
SANA repasuhin ni bagong Secretary of Transportation Joseph Emilio Abaya ang isyung ito tungkol sa anomalya:
Katatapos pa lang nu’ng August 29 ang bidding ng ahensiya para sa navigation equipment para sa bagong international airport sa Cagayan de Oro City. Ang budget: $13.293 milyon (P561 milyon). Ipapautang ito ng Korean Export-Import Bank. Babayaran ng mamamayang Pilipino.
Isang Korean company ang magsu-supply ng Instrument Landing System (ILS) at Doppler VHF Omnidirectional Range/Distance Measuring Equipment (DVOR/DME). Ito ang Korean Airport Corp., na may monopolyo sa Korea sa paggawa ng airport navigation equipment.
Kabagu-bago pa lang ng Korean Airport Corp. sa linyang ito. Naglabas ito ng DVOR/DME noon lang 2010. At ang ILS nito ay noon lang 2011. Hindi pa subok ang navigation devices ng kompanyang Koreano, kung ikukumpara sa mga manufacturer sa Europe at America.
Ang implikasyon nito: Mapapasa-panganib ang mga pasahero tuwing lilipad o lalapag sa Cagayan de Oro international airport.
Isa pang implikasyon: Maaring masira ang navigational gadgets bago pa matapos ang 10-taong warrantee period. Ito’y dahil nga hindi pa subok ang kagamitan. Binabayaran pa ng mamamayang Pilipino ang pautang ng Korean EximBank, pero baka wasak na pala ito.
Bakit nagkaganito ang sitwasyon? Kasi pumayag ang DOTC sa makasariling alituntunin ng Korean EximBank. Iginiit nito na ang maari lang sumali sa bidding ay Korean contractors, na maari lang kumuha sa Korean contractor, na nagkataon ay ang monopolistang Korean Airport Corp.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending