NANGGAGALAITI ang mga pinuno ng nurses’ associations. Kasi, anila, hindi sila lubos na maipagtanggol ng Department of Health laban sa mga mapang-aping pribadong ospital. Patuloy ang mga ospital sa pagkuha ng nurses, sa kondisyong ang nurses ang magbabayad sa ospital para tanggapin sila at magka-job experience. Kunwari’y volunteers sila; ‘yun pala’y slave laborers. “False volunteerism: ang tawag du’n.
Nangyayari ‘yun dahil sa oversupply ng nurses sa Pili-pinas. Mahigit 400,000 silang walang trabaho, sa huling tala nu’ng Marso. Sinasamantala ng mga ospital ang sitwasyon. Sinasabi nila na magha-hire lang sila ng nurses na meron nang work experience. Pinapangakuan nila ang nurses na gagawing regular matapos ang tatlo hanggang anim na buwan na pagiging volunteers. Samantala, nagbabayad ang nurses ng libo-libong piso sa ospital para tanggapin bilang volunteer. Pagkatapos ng “training,” hindi naman sila hina-hire ng ospital. Binubugaw na lang na parang langaw.
Nu’ng Setyembre 2011 naglabas ang DOH ng Memo 2011-238. Ipinagbawal ang “false volunteerism” sa lahat ng government hospitals. Pero hindi sinaklaw ang mga pribadong institusyon. Nakahinga nang konti ang mga inaaping nurses.
Kamakailan inanunsiyo ng DOH na magtatakda ito ng guidelines para sa nurse volunteer training sa private hospitals. Ibig sabihin, imbis na isakop ang mga pribado sa Memo 2011-238 ay ipapatuloy ang pang-aapi nila sa nurses. At ‘yan ang ikinagagalit ng mga pinuno ng nurses.
Uulitin ko ang matagal ko nang mungkahi. Obligahin lahat ng 42,000 barangay na magkaroon ng tigatlong nurses, round-the-clock. Sa ganu’ng paraan, 126,000 sa kanila ay magkaka-trabaho agad.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com