HINDI pa man umiinit sa upuan si Chief Justice Maria Lourdes Sereno ay may mga grupo nang nagsagawa ng rally at agad siyang hinuhusgahan. Ayon sa mga grupong bumabatikos, asahan na raw na magiging sunud-sunuran ito kay President Aquino. Kung ano raw ang sabihin ng presidente ay susundin ni Sereno. Tiyak daw na ang isyu sa Hacienda Luisita ay mawawalan ng saysay at pawang papabor sa mga Aquino. Ang pagpili raw kay Sereno ay ginawa para maprotektahan si Aquino sa hinaharap. Sa haba raw ng pagseserbisyo ni Sereno (18 taon) ay malaki ang magagawa nitong pabor kay Aquino.
Wala pang ginagawa ay hinuhusgahan na ang bagong Chief Justice. Hindi naman dapat ang ganito kaagang paghuhusga. Bakit hindi muna hayaan si Sereno na maipakita ang kanyang kakayahan at saka siya husgahan? Hindi naman sapat na husgahan agad siya sapagkat ang Presidente ang pumili sa kanya. Dapat isipin nang mga maagang bumabatikos, na dumaan sa mahigpit na pagpili ng Judicial Bar Council (JBC) si Sereno at marami pang iba. Nagsumite siya ng mga kaukulang requirements at dumaan sa interbyu. Hindi siya basta pinili lang at okey na. Dumaan siya sa legal na paraan nang pagpili. Kalabisan nang sabihin na “dumaan sa butas ng karayom” si Sereno bago nahirang na Chief Justice. Huwag munang husgahan sapagkat maaga pa. Subaybayan ang kanyang mga kilos.
Dalawang araw makaraan siyang manumpa, isinumite niya ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SLN). Kumpleto ang kanyang papeles at mga dokumento. Walang itinatago. Meron bang Chief Justice na agarang isinapubliko ang kanyang ari-arian?
Hayaang ipakita ni Sereno ang kakayahan at talino sa pagsasagawa ng mga reporma sa SC. Baka siya na ang makapagpabalik ng tiwala ng mamamayan sa Hudikatura na matagal din namang naging kaduda-duda.