Eleksyon na naman at kahit na ito ay gaganapin sa susunod na taon pa, hayun at panay na ang ikot ng mga pulitiko, lalo na ang mga tatakbo para senador, sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
“Hello, Mindanao!” nga uli ang drama ng mga pulitikong ito na karamihan sa kanila ay limot na rin ang Mindanao pagkatapos ng eleksyon. At sila ay muling nabubuhay tuwing panahon na naman ng pangangapanya para sa halalan.
Para ngang Pasko ng Muling Pagkabuhay ng mga pulitiko tuwing dadagsa na naman sila sa Mindanao para suyuin ang mga botante na sila ay papanalunin sa eleksyon.
Ayan at darating na ang Mayo 10, 2013 para sa panibagong halalan, at kahit na ilang buwan pa ang hihintayin nandito na naman ang mga pulitiko na kung hindi dadalo sa fiesta o anniversary celebration ng isang lugar ay suyurin naman ang lahat ng graduation o kung ano-anong school ceremonies dito sa Mindanao.
Nagkukumahog din ang mga pulitiko sa panliligaw sa mga iba’t ibang organisasyon na gawin silang speakers tuwing may mga national o regional conventions na gaganapin dito sa Mindanao.
Napaka-plastic naman ng ating mga pulitiko. Pag nangangampanya sila, hayun, at lahat na lang ng kung anong maipangako ay sisilawin ang mga taga-Mindanao.
Ngunit sa tinagal-tagal ng panahon nanatiling ang Mindanao ang may pinakamababang share sa national budget. Lahat ay napunta sa Luzon at Visayas.
Mindanao ang may pinakamaraming mahihirap na mga komunidad. Nandito sa Mindanao ang poorest municipalities at poorest provinces ng ating bansa.
At patuloy pa ring naging napakahirap maabot ang kapayapaan sa Mindanao kung patuloy na hindi makausad ang ibang bahagi ng katimugan dahil nga sa kaguluhang dulot ng hindi pagkaunawaan.
Ang dami nang pangakong napapako para sa Mindanao. Panahon na naman ngayon ng mga pangako na mahirap singilin dahil lahat ay puro lip-service ng mga pulitiko.
“Hello Mindanao!” ngayon ang sinasambit ng mga pulitiko ngunit pagkatapos ng May 10, 2013, “Bye, bye Mindanao!” na naman ang tugtog at sayaw nila. Mga walanghiya!’