“Dr. Elicaño, itatanong ko po kung paano maiiwasan na magkaroon ng cancer sa balat. Nag-aalala po kasi ako sa mga magulang na nakababad sa init ng araw habang gumagawa sa aming bukid sa Victoria. Nabasa ko po kasi na ang masyadong init ng araw ay may tinatawag na ultraviolet rays na nagiging dahilan para mag-cause ng cancer. Anong oras po ba hindi dapat magbabad sa araw?” — Conchita Recto, Victoria, Or. Mindoro
Kung ang trabaho ng iyong mga magulang ay sa bukid, hindi maiiwasan na mababad sila sa init. Ang pinaka-mabuting paraan ay iwasan ang grabeng init. Maaari silang magtrabaho sa bukid nang hanggang alas-nuwebe ng umaga sapagkat hindi pa gaanong mainit ang araw sa oras na iyon. Kapag dumating ang alas-kuwatro ng hapon, maaari na uli silang bumalik sa bukid sapagkat malamig na ang sikat. Ang matinding sikat ng araw mula alas-diyes ng umaga hanggang alas-tres ng hapon ay may ultraviolet rays na nagiging dahilan ng cancer sa balat. Maipapayo ko sa mga gumagawa sa bukid na magtrabaho mula alas-sais ng umaga hanggang alas-nuwebe.
Ang araw ay may ultraviolet rays na kadalasang pinagmumulan ng cancer sa balat. May tatlong uri ang cancer sa balat — basal cell carcinoma, squamous cell carcinoma at malignant melanoma.
Ang basal cell carcinoma at squamous cell carcinoma ay madaling gamutin kung mapapangalagaan nang husto. Hindi ito nagiging dahilan ng kamatayan. Taliwas naman dito ang malignant melanoma na mahusay na dermatologist ang gagamot sa may ganitong karamdaman kaysa sa isang oncologist o cancer specialist.
Ipinapayo ko rin na magsuot nang may mahabang manggas na damit para hindi derektang tamaan ng araw ang inyong balat.