ANG ka-textmate ni President Noynoy Aquino na si Chief Supt. Leonardo “Dindo” Espina, hepe ng Highway Patrol Group (HPG), ang maugong na susunod na NCRPO chief. Napipinto kasing umangat ng puwesto si NCRPO chief Dir. Alan Purisima dahil sa maagang pag-non duty status ni Dep. Dir. Gen. Art Cacdac, Deputy Chief for Administration (DCA) ng PNP sa September 5. Halos araw-araw kung mag-text si Espina kay P-Noy kaya’t first name basis siya kung tawagin nito tuwing magkikita sila. Kung sabagay, walang kuwenta naman ang mga text ni Espina dahil karamihan dito ay “Kumusta ka,” o “Ingat”. Minsan naman ang laman ng text ay ang mga accomplishment (kuno) ni Espina sa car theft syndicates. Kahit walang kuwenta ang mga text ni Espina kay P-Noy, mapipremyuhan siya. Ibang style ng pagsisipsip ni Espina na dapat tularan ng ibang opisyal ng PNP.
Maaring malaki ang lamang ni Espina subalit hindi pa siya nakakasiguro na maging NCRPO chief hanggang wala pa ang turnover ng command nga. Umuugong din ang mga pangalan ng iba pang kandidato na kung susuriin ang mga kuwalipikasyon ay mas maganda pa kay Espina. Kasama sa listahan para maging NCRPO chief sina Dir. Felipe Rojas ng Directorate for Research and Development (DRD), Chief Supt. Marcelo Garbo ng PRO7 at Chief Supt. Ed Ladao ng PRO3. Sina Rojas, Espina at Garbo ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class ’81, samantalang si Ladao ay Class ’82. Kung seniority ang pag-uusapan, lamang si Rojas dahil two-star rank na siya. At kung titingnan naman ang bio-data ng contenders, ay si Rojas pa rin ang lamang dahil sa mga accomplishments niya. Ilang beses din kasing naging “Best-Best” si Rojas, hindi lang ng NCRPO kundi maging ng buong PNP noong hepe pa siya ng San Pablo City at Marikina City police. Si Garbo ay no-nonsense officer din at si Ladao ay “close” din kay P-Noy. Subalit sa tingin ng mga kausap ko, ang minimithing puwesto ni Ladao ay ang CIDG.
Ang paghirang ni P-Noy kay Mar Roxas bilang DILG secretary ay maaring maging dahilan para mag-iba ang hangin sa pagpili ng NCRPO chief. Ang PNP ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng DILG kaya kung ako si Roxas ang itatalaga kong NCRPO chief ay aking mga katsokaran. At sino kina Espina, Rojas, Garbo at Ladao ang malakas kay Roxas? Ka-textmate din kaya ni Espina si Roxas? Baka naman si Rojas ang papalarin dahil malapit na kamag-anak niya ang kababayan kung si Roxas! Abangan!