(Unang bahagi)
MAY silbi ba ang baptismal certificate para patunayan ang katauhan at karapatan ng isang tao na maging ta-gapagmana? Ito ang isyung tinalakay sa kaso ni Delia.
Ang kaso ay tungkol sa dalawang parselang lupa na sakop ng Land Registration Decree No. 10364 & 18969 na ibinigay ng gobyerno. Ang dalawang lupa ay may sukat na 3,635 metro kuwadrado at 37.87 ektarya. Parehong nakarehistro ang lupa sa pangalan ng lola ni Delia na si Donya Demetria.
Nang mamatay si Donya Demetria noong 1974, may isang lalaking nagngangalang Teddy na nakatira sa Chicago, USA na basta na lang naghabol ng karapatan sa mga lupa bilang anak at diumano ay nag-iisang tagapagmana ng donya. Gumawa siya ng isang salaysay (affidavit of adjudication) sa harap mismo ng konsulado ng Pilipinas sa Chicago sa Amerika na siya lang ang tagapagmana ng mga lupang nabanggit. Dahil hindi hawak ni Teddy ang mga titulo ng lupa, gumawa siya ng isang special power of attorney (SPA) pabor sa abogado niya sa Pilipinas, si Atty. Castro, para magsampa ng kaukulang petisyon (petition for reconstitution) sa korte upang muling makakuha ng orihinal ng titulo ng nasabing lupa. Noong 1997, ay pinagbigyan ang petisyon ni Teddy at dalawang decree na may bilang 219464 at 219465 ang iginawad ng korte. Sa pamamagitan ng nasabing mga decree ay nailabas ang dalawang titulo (original certificate of title) na may bilang -1200 at 0-1201na sumasakop sa dalawang parselang lupa na nakapangalan kay Donya Demetria.
Noong Oktubre 1, 1996, ibinenta ni Atty. Castro (bilang attorney-in-fact ni Teddy) sa kompanyang LTI ang isang bahagi ng lupa na may sukat na 27.03 ektarya. At dahil nasa pangalan pa rin ni Donya Demetria ang mga titulo, gumawa ng hakbang sina Teddy at kanyang abogado para marehistro sa Register of Deeds ang affidavit of adjudication na unang ginawa ni Teddy para maangkin ang mga lupain.
Noong Nobyembre 18, 1998, nang malaman ni Delia ang mga ginagawa ni Teddy at kanyang abogado, nagsampa siya ng petisyon sa korte laban kay Teddy, kay Atty. Carlos at sa Register of Deeds para malinis ang titulo ng lupa na pareho nilang hinahabol. Sa petisyon ay sinalaysay ni Delia na siya at hindi si Teddy ang tunay na tagapagmana ni Donya Demetria dahil siya raw ang tanging anak ni Francisco na nag-iisang anak naman ni Donya Demetria sa nama-yapa nitong asawang si Dionisio.
Sinamahan si Delia ng kompanyang AZM sa pagsasampa ng petisyon dahil ito ang pinagbentahan ni Delia ng 23 ektaryang lupa alinsunod sa isang Memorandum of Agreement (MOA) at Deed of Conditional Conveyance na ginawa ni Delia pabor sa kompanya. Sa kabilang banda, nakialam din ang kompanyang LTI sa kaso at ang habol naman nito ay ang 27 ektaryang ibinenta ni Teddy.