NAGREREKLAMO ang ilang mamamayan ng Pililia, Rizal tungkol sa kasong katiwalian laban sa kanilang Mayor na nananatiling walang aksyon sa Sadiganba-yan sa loob ng walong taon. Wala tayong pinapanigan sa usapin pero ang halos walong taong pagkabalam ng kaso ay pangit na repleksyon sa sistema ng ating hustisya. Kawalan ito ng katarungan di lamang sa mga naghahabla kundi pati na sa inihahabla.
Mula raw ng mag-take over bilang mayor ang da-ting vice mayor na si Leandro Masikip nang mamatay si Mayor Nicomedes Patenia noong 2005, napansin ang kanyang pang-aabuso sa posisyon lalu na sa hindi awtorisadong paggamit ng sasakyan ng pamahalaang bayan. Pati raw sa pangangampanya ay ginamit ang mga pasilidad ng pamahalaan na bawal na bawal sa ilalim ng batas.
Idinemanda si Mayor sa Ombudsman at ang kasong graft ay naisampa sa Sandiganbayan bilang Criminal Case Number SB-08-CRM-035. Nagkaroon ng arraignment noong Disyembre 3, 2009. Kabilang sa mga naghabla sa Mayor sina ABC Pres. Reynato Juan, mga konsehal na sina Manny Paz, Benjie Pantaleon, Anicia Martinez, Paeng Carpio, Abraham Dikit at iba pa.
Kasama sa inireklamo ang dating bise alkalde na si Tomas Aguirre na ngayo’y isang konsehal ng Pililia. Pumatak ang kaso sa 4th division ng Sandiganbayan sa pangunguna ni Justice Gregory Ong at mula sa nabanggit na petsa ay wala pa rin daw aksyon hangga ngayon. Hindi naman marahil sasadyaing ibalam ni Justice Ong ang kaso at baka pagsuspetsahang “nilagyan.” Mahirap paniwalaan iyan dahil kilalang matuwid na tao itong si Ong. Pero ano kaya ang dahilan ng delay? Sa ngalan ng hustisya dapat ay maresolba na ang kaso. Ibig kong sabihin parusahan ang nasasakdal kung sad-yang may sala at absuweltuhin kung hindi. Ang pagkabalam pa ng usaping ito ay pangit na batik sa reputasyon at integridad ni Ong.
Anang mga lumiham sa atin: “Ang walong taong paghihintay ng hustisya ay napakahaba at maaaring mamatay na ang ibang mga nagrereklamo. Bakit ganito ang ang batas na nakalaan para proteksyunan ang mamamayan?”
Sana’y makaabot ang hinaing na ito sa ating pinagpi-pitaganang si Justice Gregory Ong.