APATNARAANG Tsino mula China at Taiwan ang nahuli ng Philippine Anti-Organized Crime Task Force noong Huwebes. Dalawampung bahay sa Maynila ang sinalakay ng mga pulis base sa mga tip na binigay rin ng mga katumbas nilang ahensiya sa China at Taiwan. Nagpapanggap na pulis umano ang mga suspek at tinatakot ang mga matatanda sa China at Taiwan. Sinasabing nagagamit ng mga terorista ang kanilang mga bank account para maglipat-lipat ng pera. Kaya dapat daw ay magbukas sila ng bagong account at ilipat lahat ng kanilang pera roon. Kung sakaling maniwala ang kawawang biktima, ililipat nga lahat ng kanyang pera sa account na ibibigay rin ng mga pekeng pulis. Kapag nalipat na, lilimasin kaagad. Kawawa naman ang mga biktima na karamihan ay mga matatanda umano na madaling takutin, lalo na kapag “pulis” na ang tumatawag.
Hindi alam ng mga nanghuling pulis kung gaano katagal na ang operasyong ginagawa sa Pilipinas, pero ayon sa mga taga-China at Taiwan, milyong Yuan na ang nakuha ng sindikato! Mga matatanda na hindi makalaban ang tinarget ng mga sindikato. Mabuti na lang hindi mga Pilipino ang nabiktima!
Ang mahirap naman ngayon ay hindi masabi ng mga otoridad natin kung sino ang taga-China at kung sino ang taga-Taiwan, dahil ayaw makipagtulungan ang mga suspek sa kanila! Paano nga naman masasabi kung sino ang Taiwanese at kung sino ang Mainland Chinese? Ayaw nang magkamali ang ating mga otoridad na ibalik sa maling bansa ang mga nahuling suspek, tulad ng naganap noong isang taon. Binalik natin ang 14 na suspek sa China, na mga taga-Taiwan pala! Nagalit ang Taiwan sa atin at sinabing hindi na raw sila tatanggap ng mga Pilipinong trabahador. Mabuti na lang at naplantsa ang gusot, pero pinahirapan muna tayo!
Kung ganun din lang at ayaw makipag-tulungan ang 400 suspek na ito, bakit hindi na lang sila sunduin ng mga pulis mula sa kanilang bansa, para siguradong wala nang mali! Ang mga otoridad na ng China at Taiwan ang magsabi kung sino ang suspek nila at sila na ang mag-uwi! Kundi, iwan na lang kaya sa Scarborough Shoal o pabayaang lumutang sa isang bangka silang lahat at bahala na kung sino ang susundo sa kanila, di ba? Marami namang mga bangka ng China roon, at puwede rin naman magpadala ng bangka ang Taiwan! Nahuli na nga at lahat, ayaw pang sabihin kung anong klaseng Tsino sila!