EDITORYAL - Piliin ang karapat-dapat
NGAYONG araw na ito ihahatid sa huling hantungan si DILG Secretary Jesse Robredo. Sa kanyang sinilangang lugar siya ililibing kahit may alok ang pamahalaan na ilibing sa Libi-ngan ng mga Bayani. Pinutol ng plane crash ang mahusay na pamumuno ni Robredo. Marami pa sana siyang magagawa sa DILG at matutulungan si President Aquino sa pagpapaunlad ng bansa ganundin naman sa paglilingkod sa mamamayan. Sabi ng isang Cabinet secretary sa necrological service kay Robredo noong Sabado ng gabi, dapat gayahin ang estilo nang namayapang secretary sa paglilingkod sa masa. Ayon kay Energy Secretary Rene Almendras, dapat manahin ang “tsinelas leadership” ni Robredo na nagpapakilalang isa itong tunay na lingkod-bayan. Paborito ni Robredo na magsuot ng tsinelas. Kung nagtutungo umano sa kanyang mga kababayan sa Naga si Robredo ay naka-tsinelas lamang ito. Komportable umano si Robredo sa tsinelas habang nakikipag-usap sa kanyang mga kababayan. Nagpapakita umano ito ng kababaan ni Robredo. Kung tsinelas nga naman ang suot, madaling makakalusong sa baha at madaling mapupuntahan ang mga nangangaila-ngan ng tulong. Ang “tsinelas leadership” ni Robredo ay isang mahusay na halimbawa na dapat gawin ng mga opisyal ng pamahalaan.
Marami pang nagsalita sa necrological service at lahat sa kanila ay ginunita ang mga magagagandang alaala nang namayapang secretary. Marami sa kanila ang nanghihinayang sa maagang pagkawala ni Robredo.
Wala na nga si Robredo. Maaaring bukas o sa makalawa ay may hihirangin nang kapalit ni Robredo si President Aquino. Marami nang pangalan ang lumutang. Karamihan sa kanila ay mga pulitiko rin. Nararapat na maging matalino ang presidente sa paghirang ng kapalit ni Robredo. Kilatisin muna niyang mabuti. Tiyakin niyang ang ipapalit ay may katulad ding estilo ng paglilingkod na gaya ng kay Robredo. Katulad din nitong “naka-tsinelas” habang gumaganap ng tungkulin sa mamamayan.
- Latest
- Trending