TANONG nang marami: Kung gan’un kagaling, kadakila at kalinis si Jesse Robredo, e bakit binitin ng Congress Commission on Appointments ang kompirmasyon niya bilang Secretary of Interior and Local Government?
Ang sagot: Politika. Prinsipyo ni Robredo ang pagka-bukas at makatao. Salungat ito sa pagiging malihim at makasarili ng mga tradisyonal na politiko, o trapo, na nakakarami sa Kongreso.
Pinarangalan si Robredo dahil sa good governance bilang mayor, pinuno ng League of Cities, at repormista. Walang ibang opisyal Pilipino na kumamit ng lahat nito: Ramon Magsaysay Award, Conrad Adenauer Medal, Ten Outstanding Young Men of the Philippines, Ten Outstan-ding Young Persons of the World, at Dangal ng Bayan.
Imbis na kilalanin lahat ng ito, minaliit ng mga trapo si Robredo. Ani Sen. Tito Sotto, chairman ng CA committee on local government, mula nang italagang DILG secretary si Robredo nu’ng Hulyo 2010, nito lang Disyembre 2011 kinumpleto ng Malacañang ang kanyang papeles. Tila ba ayaw talaga sa kanya, at hinihintay lang i-reject ng CA si Robredo para makapagtalaga ng ibang secretary si Presidente Noynoy Aquino. Aba’y kung tutuusin nga “interim” o temporaryong appointee lang si Robredo.
Mula Disyembre 2011, tatlong beses na bypass ng CA si Robredo. May bumabara sa kanya. Anang mga tagaloob, inupuan ni Sotto ang papeles ni Robredo. Ito’y sa bulong ni Rep. Luis Villafuerte, kamag-anak at dating kaalyado sa politika ni Robredo, pero nakagalit nang upakan ng huli ang jueteng sa Bicol.
Ganyan kabulok ang sistema: Tinatalikuran ang tama, tinataguyod ang mali. Pero anu’t ano pa man, batay sa dalamhati ng mamamayan, kinumpirma na nila si Robredo. Balewala sa kanila ang bulok na CA.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com