Imbestigasyon na
NAGSIMULA na ang imbestigasyon kung bakit bumagsak ang Piper Seneca na sinakyan ni DILG Sec. Jesse Robredo. Marami ang nagtatanong kung bakit nagkaproblema ang isang eroplano na dumaan sa pre-flight check-up ng may-ari mismo ng kumpanya, na beteranong piloto rin. Marami ang humihingi ng kasagutan, dahil na rin sa napaagang pagkamatay ni Robredo na minahal nang maraming mamamayan. Sa totoo nga, ngayon lang natatanto ng marami ang dami ng kanyang nagawa sa Naga City, at para na rin sa Pilipinas sa maikling panahon na siya’y DILG secretary. Hindi kasi gahaman sa atensyon katulad ng ilang pulitiko riyan na dapat lahat ng kilos ay pinakokober sa media! Si Robredo ay tahimik kumilos at makikita na lang ang bunga ng kanyang mabuting trabaho!
Una nang nadiskubre sa bumagsak na eroplano ay ang Emergency Location Transponder (ELT) na hindi gumana. Ang kagamitang ito ay dapat nabubuhay sa emergency landing o pagbagsak para makatulong sa paghanap ng sinumang nakaligtas sa aksidente. Kaya siguro natagalan sila sa paghanap ay dahil hindi nabuhay ang ELT. Isa ito sa mga nakitang mali sa eroplano.
Hanggang ngayon ay hindi pa makita ang isang makina na humiwalay sa pakpak ng Piper Seneca. Mahalagang makita ito para malaman kung ano ang naging dahilan ng pagbagsak. Kung maayos naman ang inspeksyon bago lumipad ang eroplano, ano kaya ang nangyari at nagkaproblema nang nasa himpapawid na?
Kailangan ding makausap nang mabuti si Jun Abrasado, na tanging nakaligtas sa trahedya. Kailangan malaman kung ano ang mga nangyari nang pababa na ang eroplano. Paano siya nakatakas, at kung bakit wala nang ibang nakalabas sa eroplano. Maaaring masakit maalaala, pero mahalaga ang mga maliliit na detalye.
Malaki ang maitutulong nito sa imbestigasyon para mabigyan na rin ng paliwanag at katapusan ang pagkamatay ng minamahal na si Secretary Robredo.
- Latest
- Trending