SI Associate Justice Maria Lourdes Sereno ang pinili ni President Noynoy Aquino na maging Chief Justice ng Supreme Court. Si Sereno ang ika-24 na Chief Justice at kauna-unahang babae na mamumuno sa Kataas-taasang Hukuman. Siya rin ang pinaka-batang Chief Justice sa edad na 52. Siya ang unang appointee ni Aquino sa Supreme Court. Ang pagkakahirang kay Sereno ay nataon na nagluluksa ang sambayanan dahil sa pagpanaw ni DILG secretary Jesse Robredo.
Tama ang pasya ng Presidente na “taga-loob” ang hiranging Chief Justice. Noong mapatalsik si Chief Justice Renato Corona, may mga bulung-bulungan na “taga-labas” umano ang pipiliin ng presidente. Hindi nagkatotoo ang haka-haka. Tama lang talaga na taga-Supreme Court ang maging Chief Justice sapagkat kabisado na nila ang trabaho at mga pasikut-sikot sa Hudikatura. Nalalaman na nila ang kalakaran doon. Kung “taga-labas” ang pinili ni Aquino, maaaring pagsimulan muli ng pagbabangayan sa loob. Tama na ang mga nakaraang gulo sa Supreme Court na nagdulot nang pagkakawatak-watak.
Malaki ang tiwala ni Aquino kay Sereno kaya ito ang kanyang pinili. Dahil dito, nararapat lamang na ipakita ni Sereno na hindi nagkamali ang presidente sa pagpili sa kanya. Ipakitang karapat-dapat siya. Ibalik niya ang lubos na pagtitiwala ng sambayanan sa Hudikatura na nabahiran ng dungis sa mga nakaraang administrasyon. Ipakita ni Sereno na ang pinaglilingkuran niya ay ang sambayanan at hindi ang mga maiimpluwensiya. Ipakita na kayang magsagawa ng mga reporma na makakatulong para sa pagbibigay ng patas at walang kinikilingang desisyon.
Nang interbyuhin ng JBC si Sereno kung ano ang kanyang value system, matatag niyang sinabi ang mga sumusunod: iiwasan ang conflict of interest, ipakikita niya sa taumbayan na hindi siya corrupt, magtatrabaho siya nang puspusan at magbubuo ng reputasyon na ang mga sinasabi niya ay pawang katotohanan.
Aasahan namin ang mga pangako ng bagong Chief Justice.