Hoodwinked
ANG ibig sabihin ng hoodwinked ay naisahan. Ang literal translation nito’y tinakpan ang mata nang ito’y mapakindat o maipikit. Katumbas din nito ang lagyan ng piring ang mata upang hindi malaman ang nagaganap sa kanyang harapan.
Ganito ang nangyari sa pamilya ni Jason Patrick Infante, isang SK Chairman sa Makati City na nasawi in the line of duty. Habang maayos nitong pinaaalalahanan ang isang manginginom tungkol sa ordinansa ng barangay na ipinagbabawal ang public drinking, bigla itong sinaksak at pinatay.
Batay sa mga ulat, habang nasa punerarya ang pamilya ni Mr. Infante, biglang dumating ang apat kataong nagpakilalalang SOCO (Scene Of the Crime Operative) na pumasok sa embalming area at akmang gagawa ng autopsy. Sinabihan pa nila ang ina ni Jason na bawal daw sa loob ang mga hindi awtorisadong tao. Subalit iba pala ang katotohanan.
Ang dalawa pala sa nagpakilalang SOCO ay ahente ng isang Organ Bank na hindi ipinagtapat ang tunay nilang pakay. Habang sila’y nasa loob ng embalming area ng punerarya, lingid sa kaalaman ng walang kamuwang-muwang na ina at pamilya ng biktima na nasa labas lang, ay kinuha ang dalawang mata ni Jason. Piniringan ang mata ng kaanak upang makuha ang mata ng nasawi. Kawawang Jason. Dalawang beses nabiktima.
Napakamaselang usapin ang mga bagay bagay ukol sa disposisyon ng katawan at mga parte ng isang tao matapos itong mamatay. Sa “mata” ng batas, ang bangkay ng isang tao ay wala nang juridical personality – hindi na ito maaring magkaroon ng karapatan o bigyang obligasyon. Subalit protektado pa rin ito nang (1) hindi masaktan ang damdamin ng pamilya; (2) maiwasan ang peligro sa kalusugan, at (3) upang maging kapaki-pakinabang sa agham at pag-aaral, ayon sa dalubhasang si Dr. Arturo Tolentino.
Higit dito, may batas para sa ganitong mga sitwasyon, ang R.A. 7170 (Organ Donation Act) na inamyendahan pa ng R.A. 7885. Maari ngang kunin ang mata ng isang pumanaw subalit may dalawang mahigpit na kondisyon na kailangang sundin: (a) dapat may permiso ng pamilya lalo na kapag andun mismo sila kasama ng namatay; at (b) tanging mga dalubhasang duktor ang maaring payagang gumawa nito at sa loob ng ospital lamang.
Ang inasal ng Organ Bank ay labag sa mga batas na ito at pati na rin sa probisyon ng Kodigo Sibil na ipinagbabawal ang disrespect for the dead. Hindi itinanggi ng kanilang pamunuan na nangyari nga ang naiulat. Marami silang dapat ipaliwanag. Kailangang mabigyan ng katarungan ang pamilya ni Jason Infante. Hindi ito makukuha sa papikit-pikit o pakindat-kindat lang.
- Latest
- Trending