NAIAHON na ang Piper Seneca na bumagsak sa karagatan ng Masbate na kumitil sa buhay ni DILG secretary Jesse Robredo, piloto na si Capt. Jessup Bahinting at student pilot Kshitiz Chand. Kahapon ng umaga natagpuan ang bangkay ni Chand. Ipinag-utos na ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang imbestigasyon sa pagbagsak ng Piper.
Malaki ang aming hinala na engine trouble ang dahilan, base na rin sa salaysay ng survivor na si Senior Insp. June Abrazado, security aide ni Robredo. At kung makina ang dahilan, wala nang paraan kundi igarahe na ang mga natitira pang Piper para hindi na masundan ang pagbagsak. Magsagawa ng pag-iinspeksiyon ang DOTC sa lahat ng mga sasakyang panghimpapawid kabilang na ang mga helicopter na pag-aari ng AFP.
Noong Martes, tatlong araw makaraang bumagsak ang Piper, isang helicopter na ari ng Philippine Navy ang bumagsak sa dagat sa Donsol, Sorsogon. Patungo ang helicopter sa Masbate nang magkadeperensiya ang makina. Ayon sa mga nakasaksi, pagewang-gewang sa himpapawid ang helicopter at bumagsak. Himalang nakaligtas ang apat na sakay ng helicopter.
Noong Mayo 18, 2012, isang SF-260 training craft ng Philippine Air Force ang bumagsak sa Bataan at namatay ang dalawang piloto nito. Kamakalawa, natagpuan na ang isa sa mga piloto.
Noong Disyembre 10, 2011, isang cargo plane ang bumagsak sa isang subdibisyon sa Parañaque City na ikinamatay ng 13 tao kabilang dito ang walong bata. Namatay din ang piloto at apat na pasahero ng cargo plane. Maraming bahay ang nasunog kabilang ang isang school.
Tuwing may bumabagsak, nagkakaroon ng imbestigasyon at paghihigpit pero makalipas lamang ang ilang buwan, balik sa dating luwag. Ningas kugon. Nararapat maghigpit sa mga eroplano o helicopter na dispalinghado na ang mga makina. Agarang igarahe ang mga ito. Huwag nang piliting ilipad ang mga “eroplanong kabaong” na ito. Sayang ang buhay kagaya ng kay Robredo na marami pa sanang magagawa sa bayan.