Residente ng 3 barangays sa Los Baños, pinaaalis
NAG-PANIC ang may 500 pamilya sa limang ektaryang lupain na sakop ng tatlong barangay sa Los Baños, Laguna dahil sa desisyon ng korte na ang lupain na kinatitirikan ng kani-kanilang bahay ay pag-aari ng isang claimant na taga-Cainta, Rizal at ng isang real estate developer. Sinabi pa ni Judge Gregorio Velasquez, ng Calamba City RTC Branch 35 na dapat magbayad ang bawat pamilya ng P250 renta kada buwan mula nang isalang ang kaso ni Cesar Lopez at ng La Savoie Development Corp. at P200,000 bilang attorney’s fees. Iniutos din ni Velasquez na lisanin na ng mga residente ang kani-kanilang lugar at napipinto na ang pag-demolish sa kanila. Hilong-talilong ang mga residente sa ngayon at hindi nila alam kung kanino hihingi ng tulong para hindi ma-displace ang kani-kanilang pamilya.
Itong pinag-aagawan na prime land, na dating military reservation, ay idineklarang socialized housing site sa pamamagitan ng Presidential Proclamation (PP) No. 550 noong Feb. 17, 2004. Maliban sa Bgy. Timugan, ang malalapit na Bgys. Lalakay at Bambang, ay kasama rin sa proclamation at nabiyayaan ang 6,000 pamilya, na inisyuhan ng Miscellaneous Sales Patent or Certificate of Land Allocation. Karamihan sa mga apektadong pamilya ay nakatira sa naturang lugar noon pang 70’s.
Nagsimula ang problema ng mga residente nang lumutang si Lopez at ang La Savoie noong 2004 at inaangkin ang lupaing kinatitirikan ng mga bahay nila halos kasabay naman sa pagiging epektibo ng PP 550. Gamit ni Lopez ang titulo na inisyu ng isang Atty. Braulio Darum, land officer ng dating Bureau of Lands sa isang Datu Dionisio noong Hulyo 20, 1978. Ayon sa mga residente, ang free patent na ginamit sa naturang titulo ay yaon din ang nakita nila sa dating military reservation kaya’t duda sila kung paano narehistro ang titulo. Sinabi pa ng mga residente na dapat kinunsulta muna ni Judge Velasquez ang military agency, DENR at Registry of Deeds bago niya ilabas ang kanyang desisyon. Anila, ibinase ni Judge Velasquez ang kanyang desisyon sa “biased information from the exparte presentation of the complaint was heard or presented.”
Lumabas na 10 tao lang ang sinampahan ng kaso. Nabawasan pa ito ng ang barangay chairman na si Florencio Bautista ay napatunayang hindi nakatira sa kinukuwestiyong lupain. Ang hinagpis ng mga residente, hindi nila alam ang kaso dahil wala man lang mga abiso ang korte na dumaan sa mga kamay nila habang nililitis ng walong taon ang kaso. Noong Feb. 19, 2009, idineklara ng korte ang defendants na sina Noel Aguila, Nicomedes Aquino, Manuel Aquino, Ernesto Aquino, Vicencio Apolinario, Francisco Almazan, Ninette Alonte, Reynaldo Balagat at Florencio Balagat na “in default” dahil sa hindi pagsumite ng pleadings o pag-appear ng isang beses man lang sa hearing. Nang nakaraang buwan, si Lopez at ang La Savoie ay nag-file sa sala ni Velasquez ng writ of execution para i-vacate na ng mga apektadong pa- milya ang lupain nila. Kaya ngayon, parang sinisilihan ang mga puwet ng mga residente.
Abangan!
- Latest
- Trending