HA!!! puwede bang mangyari iyan? Paanong makakapasok ang mga kidnappers sa loob ng bilangguan sa Muntinlupa para dukutin ang isang high profile criminal?
Eh kung yaong mga dumadalaw lang ay binubusising mabuti bago papasukin, yun pa kayang masasamang elemento? Kung posibleng mangyari iyan, may kaluwagan sa bilangguang ito na hindi dapat mangyari sa isang pambansang bilangguan.
Pero iyan ang dahilang pinaninindigan ng bilanggong si Rolito Go kung bakit siya biglang naglaho sa bilangguan. Kidnapping.
Dalawang higanteng balita ang pumutok sa loob ng nakalipas na linggo: Una ang pagkawala at muling pagbabalik ni Rolito sa bilangguan at ang pangalawa ay ang pagbagsak ng eroplanong kinasasakyan ni DILG Sec. Jesse Robredo. Hanggang sa sinusulat ko ang balitang ito ay hindi pa rin natatagpuan si Robredo at ilang kasamahan.
Sama-sama tayong manalangin para sa kanyang kaligtasan.
Dito muna tayo sa kaso ni Rolito.
Will anyone consider hook line and sinker that a high profile convict like Rolito Go could be kidnapped inside the New Bilibid Prisons?
Alam kong walang intensyong pumuga si Rolito Go dahil nakatakda na siyang lumaya sa susunod na taon. Kapag hindi napatunayan ang alibi na kidnapping, malamang humaba pa ang sentensya ni Go.
Pero matagal nang nababalita na si Go ay talagang nakakalabas-masok sa Bilibid na sinasabing “pribilehiyo ng masasalaping bilanggo para paminsan-minsan ay makapamuhay tulad ng isang nasa laya. At iyan ay nagagawa sa pamamagitan ng paglalagay sa mga prison officials.
Maaaring sa isa niyang escapade, hindi siya nakabalik agad kaya nabistong absent siya sa ginawang headcount. Ngunit dapat ding siyasating mabuti ito.
And if such claim was true, something is terribly amiss with our Bureau of Corrections which need to be corrected.