'Prankisa'
HINDI na bago sa BITAG ang mga kaso at reklamo tungkol sa mga fixers sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno dito sa bansa. Sa bungad pa lang ng gusali, nakatambay na at nag-aabang ang mga fixers na nag-aalok ng kanilang serbisyo.
Isa si Christian na lumapit sa BITAG upang isumbong ang naranasang panloloko ng umano’y fixer sa tanggapan ng Land Transportaion Office. Nais sana ni Christian na makakuha ng prankisa para sa kanyang sasakyan upang gawing taxi na panghanapbuhay.
Sa pag-aasikaso niya ng mga dokumento ng sasakyan, nakilala niya si Ranilio Garbo. Nagpakilala raw si Garbo na empleyado ng LTO at inalok siya na ito na ang maglalakad ng kanyang mga papeles sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board upang agad ma-proseso.
Dahil sa loob na rin mismo ng LTO niya nakilala ang suspek, buong tiwalang ipinaubaya ni Christian ang pagpapaproseso ng kanyang mga dokumento kay Garbo kapalit ang napag-usapan nilang halaga. Ngunit lumipas na ang isang taon, pero walang prankisang maipakita ang kolokoy kay Christian.
Sa imbestigasyon pa ng BITAG, lumalabas na lehitimong empleyado ng LTO si Garbo subalit mariing itinanggi naman ng LTFRB na nangangasiwa sa pagbibigay ng prankisa sa mga aplikante na may kaugnayan ang suspek sa kanilang tanggapan.
Dito na nagduda ang biktima kaya naman kasama ang BITAG, agad kaming nakipag-ugnayan sa Crime Investigation and Detection Unit sa Camp Crame.
Matapos mapag-aralan at masusing maimbestigahan ang kasong inilapit ni Christian, isang entrapment operation ang ikinasa ng mga otoridad.
Pagdating sa napagkasunduang lugar ng pagkikita ng biktima at ng suspek, matiyagang nagbantay sa paligid ang grupo ng BITAG at CIDG. Sa galing magsalita ng suspek, animo’y lehitimo ang kanyang pakikipagtransaksiyon sa biktima. Nagawa pa ni Garbo na papirmahin sa isang pekeng kasunduan ang kausap. Kaya naman, nang tanggapin ng kolokoy ang pain na marked money, hindi na nag-aksaya ng panahon ang grupo at agad na hinuli ang suspek.
Paalala ng LTFRB, nakasaad sa memorandum circular 2010-015 na ipinatupad noong Marso taong 2010 ang pagsuspinde ng pagtanggap ng aplikasyon o petisyon sa pagbibigay ng certificate of public convenience, kabilang din dito ang prangkisa ng mga taxi.
Payo ng BITAG sa aming mga tagasubaybay, imbis na lumapit sa mga nagkalat na fixers na nangangakong mapapabilis ang pagpro-seso ng inyong mga dokumento, mas mabuting komunsulta sa mismong ahensiyang dapat ninyong puntahan. Dahil sa huli, mas malaking perwisyo ang maaari mong abutin kung magpapadala ka sa mga kasinungalingang ibinibi-da nila.
* * *
Para sa inyong mga sumbong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
- Latest
- Trending