EDITORYAL - Malas na taga-PAGASA, suwerteng taga-MWSS
KARAMPOT lang pala ang suweldo ng mga forecaster ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Hindi nakapagtataka na marami sa kanila ang lumalayas sa PAGASA para tanggapin ang alok na trabaho sa ibang bansa. Sa kabila na mabigat ang kanilang responsibilidad at sa maling pag-anunsiyo ng bagyo ay maaari silang masibak, maliit ang kanilang suweldo at hindi sapat ang benepisyo. May forecaster ang PAGASA na hindi makapasok dahil walang maipamasahe. Masyadong kawawa ang kanilang kalagayan.
Noong nakaraang linggo nagdaos ng protesta ang mga taga-PAGASA dahil pinutol ang pagbibigay ng kanilang benepisyo. Bigla raw itinigil ang kanilang allowances. Karampot na nga raw ang kanilang suweldo ay ipagkakait pa ang kanilang allowance.
Dahil sa pagsasagawa ng protesta agad namang tumugon si DOST secretary Mario Montejo at nangakong ipagkakaloob na ang mga benepisyo ng mga empleyado ng PAGASA. Nakadidismaya na kailangan pang magsagawa ng protesta para lamang ibigay ang benepisyo.
Noong 2010, isang forecaster ang sinibak sa puwesto dahil sa maling pagbibigay ng warning sa bagyo. Katwiran naman ng forecaster, kulang na kulang sila sa equipment.
Kung ang mga taga-PAGASA ay kapos na kapos, nagtusak naman pala sa sahod at benepisyo ang mga empleado sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS). Imagine, ang drayber sa MWSS ay sumasahod ng P97,000 isang buwan. Bukod sa malaking suweldo, may mga car plan pa pala ang mga empleado roon, kabilang ang drayber. Ang kanilang mga trabaho ay malayung-malayo sa hirap ng trabahong ginagawa ng mga taga-PAGASA pero namumutiktik sila sa suweldo at dami ng benepisyo.
Pero sabi ng MWSS, simula raw Setyembre 1, ang P97,000 na sahod ng drayber ay magiging P38,000 na lang. Mataas pa rin ang suweldong ito bilang drayber. Ito raw ang napagkasunduan ng board ng MWSS. Mataas pa rin ito kumpara sa suweldo ng isang pulis na laging nakaamba ang panganib. Mataas din sa suweldo ng teacher na araw-araw ay nagsisilbi sa mga bata para matutong sumulat at bumasa.
Malas na taga-PAGASA at suwerteng taga-MWSS
- Latest
- Trending