'Peace spoilers'

KAPWA nanumpa ang panig ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at government peace panel na talagang pipigilan nitong hindi magtagumpay ang mga tinatawag na “peace spoilers” ng Mindanao.

Habang abala sa pag-uusap ng kapayapaan ang dalawang panels sa exploratory talks nito sa Kuala Lumpur, Malaysia noong nakaraang linggo, umarangkada naman ang Bangsa­moro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa halos magkasabay na pag-atake sa military camps na ikinamatay ng tatlong sundalo, dalawang sibilyan at mahigit 30 ang nasugatan sa iba’t ibang bahagi ng Central at Northern Mindanao.

Ang BIFF at mga katulad nitong grupo ang tinaguriang “peace spoilers” dahil nga sa kanilang patuloy na pag-ayaw na makamit ang kapayapaan sa bahaging ito ng bansa.

Nagpahayag na rin ang pamunuan ng MILF, partikular na si chief peace negotiator Mohagher Iqbal, na ang mga nangyaya­ring pag-atake ng BIFF ay nagpapalakas sa kanilang pakay na makamit nga ang kalayaan sa Mindanao.

“It is clearly to shame us and to stop the peace negotiation. But will they succeed? It depends on the MILF and the government. If we are not decided to settle the Moro Question and the armed conflict in Mindanao, then we become their first casualty and their laughing stock,” ang naging statement ni Iqbal nitong huling round ng exploratory talks sa Kuala Lumpur.

Nananawagan na rin ang MILF sa United Nations High Commissioner for Refugees na huwag iugnay ang BIFF at ang Bangsamoro Islamic Freedom Movement (BIFM) bilang renegade groups ng MILF.

Ayon sa MILF, tumiwalag na sa kanila ang BIFF at ang BIFM kaya hindi na sila karapat-dapat na tawaging renegade groups nito.

Ngunit ano man ang sabihin ng MILF hindi maikaila na na­ging mga miyembro nila ang mga kasapi ng BIFF at ng BIFM.

Kung tunay nga ang hangad ng MILF na magkaroon ng kapayapaan sa Katimugan, nararapat na rin nilang tingnan ang hanay ng BIFF at ng BIFM upang hindi mabahiran ng kung ano mang pagdududa na doble kara ang MILF na iba ang sinasabi sa negotiating table at iba naman ang aktwal na ginagawa sa labas ng negosasyon.

Sa ganung paraan lamang mapatunayan na ang hangad ng lahat sa usaping kapayapaan ay tuluyan nang mapayapa ang Mindanao.

Show comments