Pinatay sa 'Batman'

Sa United States, di pa nagtatagal

Sa loob ng sine maraming pinatay;

May sira ang ulo’t kaluluwa’y halang

Parang Maguindanao, maraming pinaslang!

Pangyayaring ito’y kaiba sa lahat

Walang nag-akalang ito’y magaganap;

Tahimik sa US walang kalamidad

Kaya ang nangyari ay walang katulad!

Kung dito sa bansa ito ay nangyari

Masasabi nating s’ya’y taong api

Mga mamamayang nanonood sine –

Naglilibang lamang pero naduhagi!

Maganda ang “Batman” na siyang palabas

Pulis at bandido mga dala’y armas

Sila’y nagsagupa’t putuka’y malakas –

Sumabay ng putok kriminal na hudas!

Matatanda’t batang naglilibang lamang

Sa loob ng sine nawalan ng buhay;

Ibang nakaligtas ay pawang sugatan

Kaya ang barilan naging totohanan!

Ang nangyaring ito’y nakapagtataka

Naganap pa naman sa bansang sagana;

Kung dito naganap nasabing disgrasya

Ang inaping tao’y hirap na hirap na!

Kung tayo’y hirap man sa buhay na ito

Tayo’y matiising mga Pilipino;

Di natin gagawin ang krimeng ganito

Na maraming buhay nasasakripisyo!

Hindi natin hangad na ang matatanda

Sa munting dibersyon agad nawawala;

Mga kabataang “Batman” halimbawa

Darating ang araw pag-asa ng bansa!

Hindi rin masamang tayo ay maglibang

Manood ng sine – madalas o minsan;

Pero ang marapat maging maingat lang

Palaging alisto sa pinupuntahan!

Unang alertado’y may mga sinehan

Mga pumapasok ay dapat kapkapan;

Bawal sa kanila’y electronic device –

Baril at patalim bakit hindi bawal?

Show comments