Tayo na sa handaan
NGAYON ang kabuuan ng ika-6 na kabanata sa ebanghelyo ayon kay Juan tungkol sa tunay na pagkain ng ating buhay. “Ako ang pagkaing nagbibigay buhay mula sa langit.” Ito ang pagkain ng sanlibutan: ang Kanyang laman at Kanyang dugo ay dapat nating pagsaluhan upang magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Kaya sa ating simbahan ay mayroong tayong Huling Hapunan. Tayo ay laging inaanyayahan ni Jesus na kumain sa Kanyang Banal na Piging. Napakaganda ng paanyaya ng Salmo: Taste and see the goodness of the Lord! Magsumikap tayong kamtin ang Panginoon natin. Ang Banal na Misa ay isang piging na palagi tayong inaanyayahan ni Hesus. Ito ay katulad ng isang kasalan o anumang pagdiriwang na may kaayusan ang lahat ng mga dumadalo sa espesyal na handaan.
Sa tuwing tayo ay maanyayahan sa anumang handaan ay lubos tayong nagagalak sapagkat tayo pala ay bukod tangi sa may handa: Kasalan, kaarawan, pagtatapos sa paaralan, kapistahan, pagwawagi o isang payak na kainan. Sa ganitong paanyaya ay ang kauna-unahang sumasagi sa ating isipan ay “meron ba akong isusuot na maayos na damit?” Tuwing dadalo tayo sa Banal na Misa ay inihahanda ba natin ang ating sarili, malinis na katawan at pananamit upang maging kaaya-aya tayo sa pagtitipon sa ating simbahan? At higit sa lahat nakahanda ba ang ating isipan at kalooban sa hapag kainan ng Panginoon?
Sa Aklat ng Kawikaan ay paalaala sa atin ang pitong kaayusan sa handaan mula sa pagpatay ng hayop, pag-timpla ng inumin, paghahanda ng mesa at kaayusan sa mga panauhin ay napakahalaga sa hapag kainan. Maging si Pablo sa kanyang liham sa mga taga-Efeso ay nagbigay ng tagubilin sa atin upang unawain ang kalooban ng Diyos. Ingatan ang ating buhay at mamuhay tayong matalino at hindi mangmang. Sumasama na ang takbo ng daigdig, kaya’t samantalahin natin ang paggawa ng mabuti. Huwag daw tayong maging hangal at unawain natin ang kalooban ang Diyos.
Kawikaan9:1-6; Salmo34; Eph5:15-20 at Jn6:51-58
* * *
Happy Birthday sa aking brother-in-law na si Emmanuel (Willie) C. Remo.
- Latest
- Trending