NAKITA natin ang hirap na dinadanas ng mga malalaking pamilya sa oras ng kalamidad. Sa katatapos na habagat, kung saan binaha na naman ang Metro Manila, ang mga mahihirap ang nagdusa. Sila ang unang naapektuhan nang umapaw na ang mga ilog at estero. Dahil malalaki ang pamilya, mas mahirap ilikas. Nakunan ng larawan ang mga kalong na bata habang nasa baha!
Sabihin na natin na iba na ang kabataan ngayon. Mas maluwag ang moralidad, at hindi na nagdadalawang-isip bago makipagtalik. Mas gugustuhin ba ng mga magulang na mabuntis na wala sa tamang oras ang kanilang mga anak, o mapilitang magpakasal dahil sa maling rason, o mas masama, malagay sa peligro ang buhay ng mga babaeng nabubuntis kung maisipang magpalaglag dahil bata pa nga? Hindi kaya mas mabuti na sa simula pa lang, parehong protektado na sa mga eksenang iyan? Ang moralidad ay tinuturo sa tahanan, sa paaralan at sa simbahan. Hindi ito magagawa ng gobyerno. Ang puwedeng magawa ng gobyerno ay magbigay ng mapagpipi-lian. Pero wala sa RH Bill ang magpalaglag ng sanggol. Krimen pa rin ito na may mabigat na parusa!
Naiintindihan ko ang lalim ng tradisyon ng simbahan, at hindi puwedeng baguhin. Pero katulad nga ng sinabi ko, iba na ang panahon ngayon. Kailangan nang makita ang buong larawan. Noong araw, hindi ka talaga makakakain ng karne kapag Kuwaresma. Kapag Biyernes, kailangang magsakripisyo. Ngayon, payag na ang simbahan basta’t may kapalit na sakripisyo o mabuting gawain sa kapwa, o kaya’y nakakahingi na ng dispensa mula sa pari. Mahal na rin kasi ang isda ngayon, di tulad noon. Parang ganun na rin ang pagplano ng pamilya. Kung bumabagay ang simbahan sa ilang aspeto ng buhay, baka sa pagplano ng pamilya ay puwede na ring baguhin ang pananaw. Ang sabi nga ni John J. Carroll, S.J. sa isang komentaryo, sa kanyang 25 taon na pinapastolan ang mga pamilya sa Payatas, kung saan hinihikayat din niya ang natural na pamamaraan ng family planning, masasabi niya na nasa peligrosong sitwasyon na ang pamilya, at hindi dahil sa mga artipisyal na pamamaraan ng pagplano ng pamilya.