Convention on Domestic Workers
KAPURI-PURI ang ginawa ng Senado na pagpasa sa re-solusyong sumang-ayon sa paglagda ni President Noynoy Aquino bilang pagratipika ng Pilipinas sa International Labor Organization (ILO) Convention 189 (Convention Concerning Decent Work for Domestic Workers). Ito ang napagkuwentuhan namin ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada.
Ang Convention 189, na in-adopt sa General Confe-rence ng ILO noong June 16, 2011 sa Geneva, Switzerland ay nagsasaad ng makatarungang pagtrato sa mga kasambahay sa buong mundo. Alinsunod sa requirement, kahit dalawang bansa lang ang magratipika nito ay magiging epektibo na sa buong mundo. Ang Pilipinas ang ikalawang bansa na nag-ratify nito. Nauna na itong ni-ratipikahan ng Oriental Republic of Uruguay noong Hulyo 14.
Base sa impormasyon, mayroong 50 milyong domestic worker sa buong mundo na karamihan ay kabataan at kababaihan. Humigit-kumulang naman na 2.5 milyon ang Pilipinong domestic workers kung saan ay 239,068 sa mga ito ang naka-empleyo sa ibang bansa.
Itinuturing ang Convention 189 bilang isang “landmark instrument” dahil kinakatawan nito ang kauna-unahang global standards sa pagrespeto sa mga karapatan ng kasambahay gayundin ang mga dapat gawin ng mga employer, pamahalaan at lipunan sa buong mundo para sa paggalang sa mga karapatang ito.
Partikular nitong isinasaad ang makatuwirang pasuweldo sa mga domestic worker gayundin ang haba o bilang ng oras ng kanilang pagtatrabaho, ligtas at maayos na lugar-paggawa at tirahan, regular na day off, social security coverage at proteksiyon laban sa pagmamalu- pit at pang-aabuso. Mabuhay ang ILO Convention 189!
Mabuhay ang mga kasambahay!
* * *
Happy Birthday: Rep. Agapito Guanlao ng Butil party-list, Auxiliary Bishop Jose Rojas ng Caceres at Bishop Emmanuel Trance ng Cataraman, Northern Samar (August 18); at Rep. Tupay Loong ng Sulu (August 19).
- Latest
- Trending