Good job!

TULAD ng inaasahan, dominado ng mga insider o nakaupong mahistrado ang short list na isusumite ng JBC kay President Aquino para sa posisyon ng Chief Justice. Sa anim na nominadong Associate Justice, tanging si Presbitero Velasco Jr. lamang ang hindi nakakuha ng 5 votes para makasali sa listahan. (Kung tutuusin ay 4 lang dapat na boto ang kailangan kung ang orihinal na 7 na komposisyon ng JBC ang batayan. Subalit nang pauupuin ang parehong kinatawan ng Senate at House ay naging 8 ang miyembro ng JBC. Ang majority vote ng 8 ay 5).

Gaya nang matagal ko nang naisulat, pabor sa mga kandidatong mahistrado ang komposisyon ng JBC dahil apat dito ay may malakas na koneksyon sa Hudikatura. Ang acting chairman na kasamahan ng mga justices; ang miyembro na retired Supreme Court Justice; ang miyembro na kinatawan ng Integrated Bar of the Philippines na supervised ng Supreme Court; at ang miyembrong professor of law na mas maraming exposure sa Supreme Court kaysa ibang kagawaran ng pamahalaan. Sa kasalukuyang komposisyon ng JBC, ang miyembro na kumakatawan sa pribadong sektor ay dati ring mahistrado. Kaya lamang na lamang ang incumbent Justices na maisama sa short list. At dapat din lang na sila’y manguna dahil higit nilang nalalaman ang damdamin ng ating mga huwes at kapado na nila ang institusyon at kung papaano haharapin ang mga suliranin ng kanilang kagawaran.

Iyon namang mga nakasamang outsider ay wala ring itulak kabigin sa kuwalipikasyon. Si Executive Secretary Ronaldo Zamora ay batikang mambabatas, Magna Cum Laude Valedictorian ng UP Law at No. 1 placer sa Bar Exams. Second placer naman sa Bar at Valedictorian din, cum laude ng Ateneo Law si Secretary Cesar Villanueva na kasalukuyang Chairman ng Governance Commission on GOCCs. Si Solicitor General Francis Jardeleza ay Salu­tatorian ng UP Law at 3rd placer sa Bar. Sina Villanueva at Jardeleza ay parehong may Masters Degree mula sa Harvard Law School tulad ni Chief Justice Renato Corona.

Masuwerte si P-Noy at masuwerte ang Pilipinas sa kalidad ng shortlist na inilabas ng JBC.

Judicial and Bar Council Grade: 95!

Show comments