FOI Bill nasaan na?
NANG nangangampanya pa sa panguluhan si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino, III isa sa mga pangako niya ay ang mabilis na pagsasabatas ng Freedom of Information Bill (FOI).
Napakainam na batas nito na tinatayang magpapalakas sa kalayaan sa pamamahayag dahil magkakaroon ang taumbayan ng karapatang mabuklat ang mga record ng pamahalaan para malinawan ang mga bagay na kailangang malaman. Basic right ng tao iyan na itinuturing nga ng ating Pangulong Aquino na “boss.”
Ngunit hanggang sa ngayon ay wala pa ring malinaw na indikasyon na ito’y mapagtitibay na. Hindi ko alam kung bakit patuloy na nabibinbin ang pagsasabatas nito. Dahil ba may mga opisyal ng pamahalaan na pumipigil dito dahil may ibig pagtakpan?
Natapos na noon pang 1986 ang isang rehimeng sumupil sa kalayaan sa pamamahayag. Marami ang natuwa sa pagbabalik ng demokrasya pero tila lalong namayagpag ang mga opisyal ng gobyernong nagpapasasa sa kaban ng bayan at ang mga mamamahayag na dapat sana’y “tenga at mata” ng taumbayan ay mistulang nagbubukas ng kaha de yerong hindi alam ang tamang kombinasyon sa pagkuha ng balita. Kung magtagumpay man sila sa paghalukay ng mga katiwalian, masaklap ang kanilang kinahihinatnan. Kundi man mademanda ng libelo ay pinapatay na lang.
Ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang karapatan ng taumbayan na malaman ang mga bagay hinggil sa patakaran, proyekto ng palatuntunan ng pamahalaan dahil sila ay nagbabayad ng buwis na dapat sana’y inilalaan sa mga programa para sa kanilang kapakanan.
Pero ilang Kongreso na ang naglabas-masok, ang FOI ay nananatiling pangakong di natutupad.
Sa totoo lang, karapatan ng mga mamamayan na malaman kung papaano ginagampanan ng mga public officials ang kanilang awtoridad para matiyak na sila’y hindi nagpapasasa sa kaban ng bayan.
Kaya ito’y isang hamon sa liderato ng ating bansa mula sa Pangulo hanggang sa dalawang kamara ng Kongreso: Madaliin na ang pagsasabatas sa Freedom of Information bill alang-alang sa “Matuwid na Landas” na pinakamimithi ng ating administrasyon.
- Latest
- Trending