TAON 2009 nang salantain ng bagyong Ondoy ang Metro Manila at mga kalapit na probinsiya. Marami ang naperwisyo, nasaktan at namatay dahil sa dami ng ibinuhos na ulan ni Ondoy na nagdulot nang matinding pagbaha.
Tatlong taon matapos nito, hindi pa man tuluyang nakakabangon ang bansa mula sa traumang idinulot ni Ondoy, isa na namang kalamidad ang bumisita sa bansa.
Muling nabahala ang lahat nitong nakaraang linggo nang 10 araw na walang patid ang malakas na pag-ulan dahil sa habagat na bumalot sa malaking bahagi ng Luzon.
Tinatayang umabot sa 95 siyudad at bayan sa Region 1, 3, 4-A at National Capital Region ang nalubog sa baha ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Pero sa kabila ng matinding kalamidad na nararanasan ng panahong iyon sa bansa, mayroon pa ring mga masasamang loob na nakuha pang samantalahin ang pagkakataon.
Dinagsa ang textline ng BITAG ng mga mensahe mula sa mga kababayan nating nasalanta na nagsusumbong at humihingi ng tulong.
Isa sa mga nagpadala ng mensahe ay mula pa sa San Mateo Rizal na nagrereklamo dahil nabiktima ng mga kawatan. Estilo ng mga dorobong ito ang bantayan ang mga binabahang lugar, hindi para tumulong kundi para magnakaw.
Kapag nilisan na ng mga pamilya ang kani-kanilang mga tahanan para makaiwas sa sakuna na maaaring idulot ng matinding pagbaha, dito na nakakakuha ng opurtunidad ang mga kawatan para pasukin ang mga naiwang bahay.
Ang ilan, nagagawa pang sisirin ang mga bahay na lumubog na, makakuha lamang ng mga gamit na maaari pang maibenta.
Kaya naman ang mga kababayan nating binaha, kahit na delikado, nananatili sa mga bubong at hindi magawang iwan ang kani-kanilang bahay para bantayan ang kanilang mga ari-arian dahil na rin sa takot na mapagnakawan pa.
Para sa mga dorobong nagaga- wa pang pagnakawan ang mga nasalanta ng kalamidad, mahiya-hiya naman kayo!
Ito ang panahon na nagkakaisa ang lahat para muling makabangon kaya naman huwag kayong maging makasarili.
Imbis na lalong ilubog sa pagkakasadlak sa kalamidad ang inyong kapwa, makiisa sa pagtulong at pag-akay sa mga kababayan nating nakakaranas ng matinding pagsubok.
* * *
Para sa inyong mga sumbong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.