Walang humpay!
TILA hindi natinag sa Executive Order No. 23 ang illegal loggers at naging mas mapangahas pa nga sila sa kanilang gawain matapos ang ilang raids na naging daan sa pagkumpiska ng libong illegally-cut logs sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Ang nasabing EO na pinirmahan ni President Aquino noong isang taon ay dapat magpapahinto na sa pagputol at pag-harvest ng kahoy sa buong bansa.
At itinayo nga ang Presidential Anti-Illegal Logging Task Force na taga-tugis sa mga lumalabag sa nasabing kautusan.
Ngunit taliwas ang nangyayari dahil ang inaakalang tuluyan na ngang mahinto ang illegal logging, mas dumarami pa ata ang nahuhuli at nakukumpiskang hot logs lalo na rito sa Timog Mindanao.
Noong nakaraang linggo lang, 18 container vans na naglalaman ng hot logs ang nakumpiska sa Sasa Wharf, Davao City.
Bukod pa ito sa mga nakuhang illegal logs na pinaanod sa mga ilog na nanggaling sa mga kabundukan ng Davao del Norte, Bukidnon, Davao Oriental, Compostela Valley at Agusan provinces.
Matatanto lang natin ang epekto ng patuloy na illegal logging pag malakas ang ulan at babaha na naman.
Kailan tayo matututo? Kung lahat tayo ay patay na dahil lang sa kasakiman ng ilan?
- Latest
- Trending