BINABATI ko si Arsobispo Angel N. Lagdameo ng Jaro, Iloilo sa ika-32 taon ng kanyang pagka-obispo. Siya ay napakahusay at napakabait kong guro sa seminaryo ng Mt. Carmel, Sariaya, Quezon.
* * *
Simula noong Hulyo 8 hanggang ngayon ay ang aral ni Hesus tungkol sa tinapay ang ating ipinagdiriwang at ang kabuuan nito ay sa Agosto 26. Ang tinapay na sebada ang buhay na tinapay at Espiritung nagbibigay buhay. Si Hesus ang tunay ng tinapay ng ating buhay.
Maging si Elias ay pinalakas ng anghel simula noong siya ay kumain ng tinapay upang ipagpatuloy niya ang paglalakbay ng 40 araw at 40 gabi patungong Horeb, ang bundok ni Yaweh. Sa simula ay hindi matanggap ni Elias ang pagsubok sa kanya ng Panginoon: “Panginoon kunin Mo na po ako. Ako po’y hirap na hirap na. Nais ko na pong mamatay”. Subalit noong siya’y natutulog ay ginising na siya ng anghel at pinakain nang pinakain. Nagliwanag ang kanyang isipan pagka’t binusog siya ng tinapay ng Panginoon.
Naalaala ko tuloy ang isang ama ng tahanan na simula ng dumating ang mga problema niya sa buhay lalung-lalo na ang pagbagsak ng kanyang negosyo ay wala na siyang ginawa kundi matulog na lamang nang matulog. Sinabi ko sa kanya: “Bumangon ka. Uminom ng mainit na kape at kumain ng tinapay. Maligo ka at umalis ng bahay at maghanap ng inyong ikabubuhay.” Kinabukasan muli ko siyang nakita at sinabi sa akin: “Erpat, TY may job na ako”. Sino kaya sa atin na sa pagdating ng mga pagsubok ng Panginoon ay nawawalan kaagad ng pag-asa?
“Taste and see the goodness of the Lord! “Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin”. Matatamo natin ang biyaya ng liwanag ng Espiritu kung aalisin natin ang sama ng loob, galit at poot.
Huwag tayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin. Manapa’y tularan natin ang Diyos na puspos ng awa at pag-ibig. Tanggapin natin ang kanyang presensiya sa Banal na Eukaristiya na tunay na pagkain ng ating buhay.
1Kgs 19:4-8; Salmo 34; Efe 4:30-5:2 at Jn 6:41-51