“Dr. Elicaño, madalas ko pong marinig na ang caffeine daw ay masama. Hindi ka raw po makakatulog kapag naka-take nito. Saan po ba matatagpuan ang caffeine?” — RHODORA TALATALA, Biak na Bato, QC
Marami na ang nagtanong sa akin ukol sa caffeine at lahat sila ang pagkakilala rito ay masama. Hindi masama ang caffeine. Ang caffeine ay nakapagpapasigla sa puso at sa central nervous system. Bukod sa pagiging stimulant nakatutulong din ito para mapabilis o mapahusay ang mental performance. Ang caffeine ay karaniwang matatagpuan sa coffee, tea, chocolates, softdrinks o colas, cold tablets at mga pain reliever. Nakatutulong din ang caffeine na pasiglahin ang output ng acid sa sikmura para madaling makapag-digest ng pagkain. Nakatutulong din ang caffeine para mapalaki ang daanan ng hangin sa lungs.
Pero may masamang dulot din ang caffeine kapag sumobra. Ang pagiging addictive dito ay nakapagdudulot ng pangangatal, pagpapawis, palpitations, mabilis na paghinga, hindi makatulog at maaaring maging dahilan ng pagkakaroon ng migraine.
* * *
“Dr. Elicaño, ano po ang cancer sa dugo at ano ang sintomas?” — LEO VILLAFRANCA, Baclaran, Parañaque
Ang cancer sa dugo o leukemia ay abnormal production ng white blood cells.
Tinatalo nito ang normal white blood cells, red blood cells at platelets. Ang white blood cells ay mahalagang components ng ating immune system. Ang red blood cells naman ang naghahatid ng oxygen sa ating tissues at iba pang organs samantalang ang platelets ang kumukontrol sa bleeding.
Sintomas ng cancer sa dugo o leukemia: Madaling mapagod at laging nanghihina, pagkakaroon ng mga kulani, pamamaga ng atay, low-grade fever, pagbaba ng timbang, pagkawala ng panlasa at madaling magkaroon ng impeksiyon.
Ang ilan ay nakararanas ng pananakit at paninigas ng kanilang mga kasu-kasuan. Kadalasang ang mga may cancer sa dugo ay laging namumutla.