Labor of love
SA harap ng matitinding kalamidad, nakikita ang pagdadamayan at pagtutulungan ng mga Pilipino. Iyan ang tinatawag na “labor of love” na bagamat walang dagdag na biyayang material ay isinasagawa natin dahil mahal natin ang ating kapwa.
Bawat media entity sa radyo, telebisyon at pahayagan ay may kani-kaniyang hirit para tulungan ang mga biktima ng kalamidad. Kung minsan, pati buhay ng mga indibidwal na kalahok sa ganyang gawain ay naitataya.
Isang email message ang aking tinanggap mula sa Vice Prexy ng National Press Club of the Philippines na si Marlon Purificacion. Tungkol ito sa isang radio reporter ng himpilang DZRH na dumanas ng stroke sa pagtupad sa kanyang tungkuling magsilbi sa mga nangangailangan sa kasagsagan ng habagat.
Sinabi sa liham sa atin ni Marlon:
“Renato ‘Koyang Rey’ Castillo, 50, DZRH reporter in Rizal province and eastern part of Metro Manila and resident of Bgy. Cupang, Antipolo City was hit by stroke around 1:00 am August 9 while reporting the river flood situation in Marikina City.”
Nang mga sandaling yaon, ang ilog sa Bgy. Tumana ay umapaw at nakaapekto sa libu-libong residente sa naturang lugar. Habang aktibo siyang nakikilahok sa rescue operation, doon siya nadale ng stroke. Buti na lamang at maagap ang Marikina Rescue 161 na nagdala sa kanya sa Eulogio Rodriguez Medical Hospital at ngayo’y nasa Intesive Care Unit pa rin siya.
Beteranong mamamahayag sa radyo at aktibong kasapi sa National Press Club (NPC), at sa mga nakalipas na panahon ay laging maaasahan sa ganitong situwasyong may kalamidad.
Kaugnay nito, nananawagan ang asawa niyang si Consorcia ‘Ching’ Castillo sa mga may ginintuang puso na tumulong sa financial at medical needs ng kanyang mister para mapadali ang kanyang paggaling.
Para sa ano mang tulong ay makakaugnay si Mrs. Ching Castillo sa kanyang mobile phone 0918-7193086, o kaya ang National Press Club office (02) 3010521-22 or DZRH office (02) 8326210.
- Latest
- Trending