PINUNTAHAN ni President Aquino ang mga binahang lugar sa Muntinlupa, sakay ang isang trak ng Philippine Army. Kasama niya ang ilang miyembro ng kanyang Gabinete, para makita nila mismo ang kahirapan na dinadanas nang maraming mga kababayan natin ngayon, dulot ng walang tigil na pag-ulan. Natuwa naman ang mga nakakita kay P-Noy, kahit nakalusong ang mga paa sa maruming baha. Sa kanyang talumpati sa madla, sinabi niya na walang madaliang solusyon sa problema ng pagbabaha sa Metro Manila. Malamang ito ang gustong itanong nang marami sa presidente, kaya inunahan na niya. Ang mahalaga ay kumikilos ang pamahalaan para hanapin ang mga solusyon na iyan.
At ang isang mabisang solusyon ay ang pag-iwas sa trahedya, lalo na sa panahon ng kalamidad. Sa isang panayam, tinanong niya kung sino ang nagbigay ng pahintulot na tayuan ng bahay ang lugar sa Litex Road, Quezon City, kung may nangyari nang pagguho ng lupa sa nasabing lugar noong 2002? Siyam na tao ang namatay nang matabunan ng lupa sa kasagsagan ng malakas na ulan noong Martes sa nasabing lugar! Kailangan managot ang nagbigay ng pahintulot na tirahan ang lugar dahil sentido komon na hindi na dapat pinayagan ang sinuman dahil peligroso!
Pero ganito naman ang karaniwang ginagawa ng lahat. Dalawa lang ang dahilan, pera o boto! Katulad na lang ng mga lugar na kilala na para sa matinding pagbaha. Kung alam naman ng lahat ang mga lugar na mataas ang posibilidad na magbabaha kapag malakas ang ulan, bakit pinapayagan pang bumalik sa mga nasabing lugar? Tapos, kapag binaha na nga, ililikas na naman ang mga nakatira, o kaya’y sasagipin! Siyempre maraming maglalagay na naman ng mga tolda na may mga pangalan nila, di ba? Iyon ba ang dahilan kung bakit hindi na lang bakuran yung lugar at huwag nang payagang magtayo ng mga tahanan?
Mas maraming magagawang mabuti ang pamahalaan kung hindi palaging puno ang kamay sa tuwing panahon ng kalamidad. Kung hindi na kailangang isipin ang ilang komunidad dahil ligtas na sa peligro, mas maraming masasagip sa mas madaling panahon. Kung mananagot ang nagbigay ng pahintulot sa mga tumira sa Litex Rd., dapat lang managot ang “nag-aalaga” sa ilang mga komunidad na nasa peligrosong lugar! Nilalagay ang kanilang buhay sa peligro, para lang sa mga hangarin na sila lang ang makikinabang! Hindi tama iyon. Kung ano ang patakaran sa Litex, dapat sa lahat ng kilalang peligrosong lugar na rin!