Masama ang ipinipinta sa Reproductive Health (RH) Bill. Ipinagpipilitan nang mga kontra rito na isinusulong ng pamahalaan ang abortion. Ipinupunla ng mga kontra sa RH Bill sa isipan ng mamamayan na ang RH Bill ay may sa demonyong papatayin ang mga bata sa sinapupunan. Kailangang malinawan ang isyung ito sapagkat nalalason ang isipan ng mamamayan lalo na ang mga dukha. Kung hindi maipaliliwanag nang husto, mananatili ang masamang pananaw sa RH Bill at hindi ito tatanggapin. Magiging negatibo ang pagtingin dito at walang mararating ang programa.
May tatlong magandang hangarin ang RH Bill. Una ay ang mapangalagaan ang kalusugan ng ina, sanggol at bata. Ikalawa ay ang mabigyan ng kalayaan ang mag-asawa na matuto sa pagpaplano ng pamilya. Ikatlo, mapipigilan ang mabilis na pagdami ng populasyon.
Walang nabanggit na abortion o pagpuksa sa buhay na nasa sinapupunan. Malayung-malayo sa hangarin na maisaayos at mapangalagaan ang kalusugan at buhay ng ina at sanggol. Tila inililigaw ang nakararami sa tunay na hangarin ng RH Bill. Sa halip na maging maganda sa pa-ningin, masama ang pinipinta rito.
Kung maaaprubahan ang RH Bill, malaya nang makakapili ang mag-asawa sa pamamaraang nais nila para maiplano ang pamilya. At kung nakaplano na ang kanilang pamilya, dito magsisimula ang unti-unting pagbabago sa populasyon ng mga Pilipino. Sa kasalukuyan, mahigit 90-million na ang populasyon ng Pilipinas. Sa pagdami ng populasyon, dumarami rin ang naghihikahos at marami ang nagugutom. Kung magpapatuloy ang wala sa planong panganganak, lalo pang maghihirap ang mahihirap.
Nararapat maimulat ang lahat sa pagpaplano ng pamilya. Sa pamamaraang matalino maiiwasan ang tiyak na paghihikahos. Kung wala nang maghihikahos, dito magsisimula ang pag-unlad ng bansa. Magkakaroon ng direksiyon ang lahat at makakamtan ang mga hinahangad.