SI Emma, 20, ay kasal sa negosyanteng si James. Mahigit dalawang taon pagkaraang ikasal, naging magulo na ang relasyon ng dalawa. Suspetsa ni Emma, may relasyon ang kanyang mister at ang yaya ng kanilang anak. Lumayas si Emma sa kanilang bahay sa Olongapo City kasama ang anak na si Girlie na 11-buwan pa lamang at nanirahan sa Quezon City.
Nang malaman ni James kung saan nakatira ang kanyang mag-ina, dinalaw ang mga ito, pero ang talagang balak niya ay ang makuha ang kustodiya sa anak. Isang umaga, habang wala si Emma. dumating si James kasama ang yaya at nabola ang nag-aalaga kay Girlie para ibigay ito sa kanila. Nang makuha ang anak, iniuwi nila sa Olongapo.
Nang madiskubre ni Emma ang ginawa ng dating asawa, idinemanda niya si James pati ang yaya para mabawi ang kustodiya ng anak. Argumento naman ni James, si Emma ang may kasalanan at hindi siya dapat umalis sa bahay nila sa Olongapo dahil responsibilidad niya bilang misis na tumira kasama ng kanyang mister. Mababawi ba ni Emma si Girlie?
MABABAWI. Kung walang matibay na dahilan para hindi ito pagbigyan ng korte, ang ina ang may legal na karapatan sa kustodiya ng menor de edad na anak na wala pang pitong taong gulang. Sa lahat ng tanong tungkol sa pangangalaga, kustodiya, edukasyon at ari-arian ng bata, ang pinaka-importante sa lahat ay ang kapa-kanan ng musmos. Ang layunin ng ating batas ay upang maiwasan ang trahedya na sapilitang kukunin sa isang ina ang kanyang anak. Walang makasusukat kung gaano kasakit para sa isang ina na mawalay sa anak lalo sa mura nitong edad.
Kahit ano pa ang dahilan na ibinigay ni James, hindi pa rin ito sapat para mabawi niya ang kustodiya ng anak mula kay Emma. Sa katunayan, kahit ano pa man ang kapintasang moral na ibabato niya kay Emma, hindi pa rin ito sapat at wala itong epekto sa bata na hindi naman naiintindihan pa ang sitwasyong pinagdadaanan ng kanyang mga magulang (Lim vs. Soa Pin Lim, 67 SCRA 382).