NAGHAYAG ng puspusang suporta si Manila First District Congressman Benjamin “Atong”Asilo sa mga programa ng pamahalaan sa pagsugpo ng kahirapan. Ayos iyan. Pero tambakan mo man ng katakutakot na pondo ay mababalewala ang programa kung patuloy sa walang habas na paglobo ang populasyon.
Nagdudulot ng dibisyon sa mga mamamayan ang kontrobersyal na panukalang batas sa Reproductive Health Bill (RH bill) na ipinagpipilitan ng mga tutol dito na “pro abortion.” Wala akong makitang probisyon dito na nag-eendorso ng paglalaglag ng bata sa sinapupunan.
Katunayan merito ang batas: Ito ay upang mapangasiwaan ang paglago ng populasyon at; matugunan ng ekonomiya ang pangangailangan ng lahat ng tao; Ito rin ay upang mapigilan ang hindi planadong pagbubuntis na madalas dahilan ng abortion. Tiyak ko na bawat isang Pilipino, lalu na ang mga mambabatas ay katig sa ano mang panukalang batas para mapasigla ang ekonomiya at puksain ang kahirapan.
Nababatikos si Presidente Aquino ng mga anti-RH bill dahil sa kanyang nakalipas na SONA, binigyang diin niya ang pangangailangang isulong ang responsableng pagpapamilya.
Sa aspetong pagsugpo sa kahirapan, particular sa umiiral nang Pantawid Pamilya Program ng DSWD sinabi ni Asilo na lubos ang suporta niya rito at nais niyang makitang lumawak pa ito. Partikular pang nagbigay ng suporta si Asilo sa P2 trilyong panukalang pambansang budget na itinuturing na pinakamalaking pondo ng pamahalaan para masustinahan ang mga programang pangkabuhayan ng bansa.
Ngunit ang ano mang programang pangkabuhayan ay mawawalan ng saysay kung hindi masawata ang paglobo ng populasyon. Nakababahala na sa ngayon ay pinakamataas ang bilang ng Pilipinas sa pagkakaroon ng teenage pregnancy. Dahil sa unwanted pregnancy, lalu pa ngang tumataas ang kaso ng abortion. Paano sasabihing ang RH bill ay pro-abortion? Marami daw mga solons ang nag-urong ng suporta sa bill. Takot sa banta ng Inglesia Katolika Romana na sila’y hindi na susuportahan sa mga darating pang eleksyon kapag kumatig sila sa bill. Sana isipin ng mga mambabatas na ito ang kapakanan muna ng bayan bago ang pansa-riling kapakanan.