Lumutang ang dalawang kasamang neophytes ni Marc Andrei Marcos, at nagbigay ng mga pahayag sa pulis. Kasama sa grupo nila si Marcos sa iligal at kriminal na hazing ng Lex Leonum Fraternitas na ginanap umano sa farm nina Gian Angelo Veluz, miyembro rin ng fraternity. May mga pasa-pasa rin sila sa ilang bahagi ng katawan, at tila hindi pa nga masyadong makakilos dahil sa sakit habang nagbibigay ng kanilang sinumpaang salaysay. Ayon sa dalawa, kinailangan nilang tumakas mula sa ilang miyembro ng fraternity para makapagbigay ng kanilang salaysay. Kaya totoo na tuwing may namamatay sa hazing, kumikilos ang alumni ng fraternity para “linisin at pag-usapan” ang eksena para sa kanilang depensa. Hinahawakan pa ang lahat ng puwedeng maging testigo sa kaso. Ano, dinadaan nila sa takot ang pagpigil sa lahat ng gustong tumulong at magsalita? Hindi ba kriminal din iyon? Patong-patong na ang mga paglabag sa batas ang ginagawa ng mga ito! Tapos magiging abogado pa pagdating ng panahon?
Pero may konting sabit ang paglutang ng dalawang neophytes. Hindi raw sila magiging testigo laban sa fraternity, at hindi rin sila magsasampa ng reklamo. Hawak na nga ng PNP, tila may takot pa rin sa fraternity na gusto nila maging kasangga! Anong klaseng kapatiran iyan?! Kung saan natatakot kang magsabi ng totoo, magbigay ng detalye sa isang krimen, tumulong sa mga kapamilya nung biktima na kasama mo nung mapatay! Nandiyan na nga sa pulis, may kondisyon pa?
Sunod-sunod naman ang paglabas ng pagkondena sa naganap na hazing mula sa iba’t ibang fraternity, kasama rin ang Lex Leonum Fraternitas. Para sa akin, walang saysay ang kanilang mga batikos! Ilabas o isuko nila ang lahat ng sangkot sa naganap na hazing kung saan namatay si Marcos, at hayaang mapasailalim sa puwersa ng batas! Saka lang ako maniniwala na kontra sila sa hazing at nirerespeto ang batas! May patunay na nga na pinipigilan ng ilang miyembro ng fraternity ang lumutang na neophytes. Kaya wala na sigurong maniniwala sa anumang sabihin pa ng fratenity na iyan! Hustisya na lang ang kulang para sa pamilya Marcos. Sana makuha nila sa lalong madaling panahon. Kailangang matigil na itong walang saysay na seremonya ng mga fraternity! Mga mambabatas, madaliin na ang pagbago sa Anti-Hazing Law, bago may mabiktima muli!