Konsensiya

MALIBAN sa apat na sinampahan ng kasong pagpatay at paglabag sa Anti-Hazing Law, kakasuhan din daw ng PNP ang may-ari ng farm kung saan ginanap ang hazing. Ang may-ari ng farm ay ama ng isa sa mga unang kinasuhan ng PNP. Nakasaad sa batas na may pananagutan ang may-ari ng anumang lugar kung saan ginanap ang hazing, at hindi dahilan ang kamangmangan sa pangyayari. Nakakapagtaka nga itong ama ni Gian Veluz, ang San Beda Law student na nagdala sa biktimang si Marc Andrei Marcos sa ospital. Una niyang sinabi na alam daw niya na may gaganaping hazing sa kanyang farm. Sa media pa sinabi kaya sigurado may kopya sila ng panayam. Pero binawi at sinabing wala siyang alam sa pangyayari!

May nakukuhang impormasyon na rin ang abogado ng pamilya Marcos hinggil sa ginanap na hazing na pumatay kay Marc Andrei. Tatlumpung miyembro ng Lex Leonum Fraternitas ang dinadawit sa krimen. May nagbibigay umano ng impormasyon sa pamilya sa pamamagitan ng Facebook, kaya dapat pa ring imbestigahan kung may katunayan ang lahat na ito. Kung totoo ang mga impormasyon, masasabi kong may konsensiya pa rin ang ibang tao, kaya tumutulong.

Sana nga ay maraming tumulong sa kasong ito, at gawing halimbawa para sa lahat na may plano pa o walang planong itigil ang bawal na initiation o hazing. Magsilbing babala na rin sa mga gustong pumasok ng mga fraternity na iyan. Marami akong kilalang abogado na wala namang sinalihang fraternity noong nag-aaral ng abogasya. Maganda naman ang kanilang pamumuhay. Hindi kailangan magpabugbog para lang matawag na “kapatid”. Mas maraming may saysay na kaibigan ang makukuha sa labas ng fraternity!

Para naman sa San Beda College of Law. Dalawa na ang namamatay na mag-aaral mula sa kolehiyong ito. Panay ang banggit na bawal ang mga fraternity sa paaralan. Eh bakit may namamatay pa? At halos magkasunod pa! Parang walang takot at konsensiya ang mga fraternity na ipagpatuloy pa rin ang sinasabi nilang bawal sa kanilang kolehiyo! Bakit kaya? Dahil may mga alumni na malalakas na ngayon? Dahil may mga alumni na sasalo sa kanila kapag may nangyaring masama? Napaka-arogante naman ng mga fraternity na ito at tila walang takot kanino ngayon! Kaya sana nga ay marami pang tumulong sa kaso. At isama na rin ang mga alumni na mahuhuling tumutulong sa mga pinaka-bagong kriminal na mag-aaral ng abogasya! Kabalintunaan talaga!

Kung talagang bawal ang fraternity sa mga paaralan, patuparin nila! Bago may mamatay na naman!

Show comments