EDITORYAL - Hindi kinatatakutan ang Republic Act 8049

ANG Republic Act No. 8049 ay ang Anti-Hazing Law. Sa batas, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasailalim sa hazing o initiation ang miyembro ng fraternities, sororities at iba pang organisasyon. Mayroong katapat na kaparusahan ang lalabag sa batas na ito:

1. Habambuhay na pagkabilanggo (reclusion perpetua) kapag nagresulta sa pagkamatay, panggagahasa, sodomy or mutilation;

2. Labimpitong taon, 4 na buwan, 1 araw hanggang 20 taong pagkabilanggo kapag ang biktima ay nasiraan ng ulo, naging inutil o nabulag;

3. Labing-apat na taon, 8 buwan at 1 araw hanggang 17 buwan at apat na buwang pagkakabilanggo kapag ang biktima ay nawalan ng boses, pandinig, pang-amoy, pagkabulag, pagkaputol ng kamay, paa, braso, dahilan para hindi na makapagtrabaho;

4. Labindalawang taon  at 1 araw hanggang 14 na taon at 8 buwan na pagkakabilanggo kapag ang na-deformed o nawala ang alinmang bahagi ng katawan ng biktima dahilan para hindi na niya magampanan ang kanyang mga tungkulin;

5. Sampung taon at 1 araw hanggang 12 taong pagkakabilanggo kapag ang biktima ay nagkasakit at hindi na magampanan ang kanyang trabaho;

Iyan ay lima lang sa itinakdang parusa at hindi pa kasama ang tatlo pang kaparusahan na maaaring igawad sa mga magsasagawa ng hazing o initiation.

Pero sa kabila na may mabigat nang parusa, hindi kinatatakutan ang R.A. 8049. Isang halimbawa ay ang nangyaring pagkamatay ni San Beda law student Marc Andrei Marcos makaraang sumailalim sa initiation noong Hulyo 29. Isinagawa ang ini­tiation sa isang farm sa Dasmariñas, Cavite. Nadala pa sa ospital si Marcos pero namatay ng Lunes ng madaling araw. Noong nakaraang Pebrero, isang San Beda law student din ang namatay dahil hazing­ ng fraternity.

Hindi kinatatakutan ang R.A. 8049 at nagsisilbing dekorasyon lang. Dapat dagdagan pa ang kaparusahan sa mga sangkot sa hazing. Amyendahan ang batas. Magkaroon naman ng pagsisiyasat ang mga unibersidad sa mga itinatatag na fra­ternity sa kanilang nasasakupan. Kilalanin naman ng neophyte­ ang sasalihang fraternity.

Show comments